INSENTIBO SA MGA BAKUNADO IPINANAWAGAN

MULING umapela si Senator Christopher ‘Bong’ Go sa pamahalaan na pag-aralan ang posibilidad na palawakin pa ang rollout ng vaccination program sa mga populasyon upang mas mabilis na maprotektahan mula sa COVID-19.

“Yung mga nais nang magpabakuna, huwag nating pabayaan at pag-intayin pa dahil baka maunahan pa ng COVID-19 ang pagbabakuna nila. Pabilisin na natin ang rollout para mas maraming Pilipino ang maproteksyunan. Tutal, tuluy-tuloy naman ang pagdating ng mga bakuna sa bansa. Balansehin natin ang lahat,” apela pa ni Go.

Suportado rin ni Go ang kahilingan ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), na pinamumunuan ni Quirino Governor at ULAP President Dakila Cua, na payagan ang mga local government unit (LGUs) na mabakunahan ang kanilang mga constituent kahit hindi pa kasama ang mga ito sa prioritization scheme ng pamahalaan.

Apela pa ni Go, dapat dagdagan pa ang awareness campaigns at ang probisyon ng insentibo sa mga fully-vaccinated individual para mabawasan ang vaccine hesitancy ng mga tao, partikular na yaong mga nasa malalayo at mga underserved na komunidad.

“Umaapela ako sa ating gobyerno na pag-aralan na ang posibilidad na palawakin lalo ang ating vaccination rollout sa mas maraming Pilipino bukod pa sa mga kabilang na sa eligible priority groups. Hangga’t kaya ng supply ng ating mga bakuna, baka maaaring buksan na ang rollout sa publiko,” pagpapatuloy pa ni Go, chairman ng Senate Committee on Health.

Sa isang panayam nitong Sabado, sinuportahan naman ng senador ang paglikha ng vaccine bubbles, dahil makatutulong aniya ang pagbabawas ng restriksiyon sa mga taong fully- vaccinated na, para tuluyan nang mawala ang pag-aalinlangan ng mamamayan sa vaccination program.

“I agree sa pag-uusapang—kung maging legal sana ito—magawan ng paraan ‘yung ‘vaccine bubble’ … bigyan (natin) ng insentibo ‘yung mga kababayan natin na ‘pag bakunado, maging mas maluwag ang restrictions sa kanila para maengganyo (‘yung iba) na magpabakuna rin,” aniya pa.

Iminungkahi pa ni Go na bumuo ang pamahalaan at pribadong sektor ng creative approaches para mahikayat ang mga Pinoy na magpabakuna na at mapataas ang tiwala ng mga komunidad sa vaccination program.

Binigyang-diin pa ni Go na kung mas maraming mamamayan ang mababakunahan, mas mabilis na makakamit ng bansa ang population protection at kalaunan ay herd immunity, na magreresulta sa pagbabalik sa normal ng sitwasyon sa bansa. (CHRISTIAN DALE)

76

Related posts

Leave a Comment