287 BOC PERSONNEL SAPUL SA RIGODON

SA hangaring tuldukan ang iregularidad sa kawanihan, umabot sa 287 Customs personnel ang apektado sa isinagawang paglilinis ng Bureau of Customs (BOC) sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.

Sa kalatas ng BOC, 67 pang karagdagang Show-Cause Orders ang inilabas ng kawanihan mula Enero hanggang Hunyo 2022 alinsunod sa kampanya ng ahensya laban sa katiwalian at giit na panunumbalik ng integridad ng kanilang mga tanggapan – kabilang ang 17 district collection offices sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa mga naturang SCOs, sibak ang tatlong empleyado, habang pito naman ang pinatawan ng suspensyon. May isang binigyan ng babala, habang 27 naman ang inilagay sa floating status – bukod pa sa 249 na iba pang inilipat ng kani-kanilang tanggapan bunsod ng reklamong iregularidad sa kanilang dating pwesto.

Isinailalim din sa imbestiga­syon ng Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS) ang 333 kawani. Sa naturang bilang, pito katao ang sinampahan ng mga kasong administratibo sa BOC-Legal Service. Pitong iba pa ang inindorso sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa mas malalim na pagsisiyasat at pagsasampa ng karampatang kaso sakaling may sapat na basehan at ebidensyang pwedeng ma­gamit sa husgado.

Bahagi rin ng mekanismo kontra katiwalian sa kawanihan ang pagkumpleto nito lamang Abril sa Performance Governance System (PGS) journey sa nakalipas na dalawa’t kalahating taon.

Sa apat na antas ng PGS Pathway, nasungkit ng BOC ang Gold Governance Trailblazer award, ang pinakamataas na pagkilala, dagdag pa ang igina­wad na “Island of Good Governance” ng Institute for Solidarity in Asia.

Hagip din ng 13 sa 17 district collection offices ng kawanihan ang iba’t ibang antas ng ISO Certification na patunay ng pinahusay na sistema at husay ng serbisyo.

Ibinida rin ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang 91.76% completion ng BOC digitalization program kung saan tampok ang no-contact transaction sa layuning maiwasan ang aregluhan sa mga transak­syon ng mga importers sa kanilang mga empleyado.

Maagap din aniya ang tugon ng BOC sa mga idinudulog na
reklamo, ayon mismo sa Civil Service Commission. (JO CALIM)

140

Related posts

Leave a Comment