51 UNITS NG HIGH-END VEHICLES NASABAT SA PASIG CITY

INISYUHAN ng Bureau of Customs (BOC) ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) order ang mga may-ari ng 51 units ng high-end vehicles o mamahaling sasakyan na nakaimbak sa isang showroom sa Pasig City noong nakaraang Miyerkoles, Hulyo 26, 2023.

Matapos na madiskubre sa warehouse na naka-display ang iba’t ibang imported motor vehicles sa panahon ng serbisyo ng isang Letter of Authority noong Hulyo 04, 2023, na rehistrado sa individual owners nito, agad na inabisuhan at binigyan ng 15-araw ang mga ito para magsumite ng kaukulang katibayan ng pagmamay-ari at pagbabayad ng tamang duties and taxes para sa nabanggit na mga sasakyan.

Ang registration documents ng nabanggit na mga sasakyan ay napapanahong naisumite, subalit ang mga may-ari ng 51 units ng high-end motor vehicles ay hindi nakapagsumite ng mga ebidensiya ng pagbabayad ng tamang duties and taxes sa loob ng labinlimang araw na panahon na ibinigay sa kanila.

Dahil dito, ang BOC ay nag-utos na kumpiskahin ang 51 units ng high-end motor vehicles na naaayon sa Section 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Kaugnay nito, 28 ng nasabing mga sasakyan ay inilipat sa BOC-Port of Manila, habang ang natitira pang 23 sasakyan ay itinakda sa pag­lilipat nito.

Ayon sa CAO 10-2020, sa isinagawang seizure and forfeiture proceedings laban sa nabanggit na 51 units ng high-end motor vehicles, ang nakilalang mga may-ari ay binigyan ng oportunidad na magsumite ng kaukulang mga katibayan ng pagbabayad ng tamang duties and taxes; katibayan na exempted sila sa pagbabayad ng duties and taxes; inalok ng voluntary payment ng correct duties and taxes; inalok ng settlement o redemption, gayunman, ito ay dapat sumunod sa espesipikong mga kondisyon at tuntunin.

Binigyang-diin ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio, ang BOC ay nangako na mahigpit nilang ipatutupad ang batas at tinitiyak ang pagsunod sa customs requirements.

Inihayag din niya, “Our primary goal is to protect the interests of the Filipino people, safeguarding the nation’s revenue, and maintaining a fair and transparent trade environment.”

Ang pagkumpiska sa 51 units high-end motor vehicles ay magsisilbi bilang paalala sa lahat ng importers at dealers hinggil sa mahigpit na ‘customs laws, rules and regulations,’ at responsab­leng agad na susundin ang kanilang mga tungkulin at obligasyon.

Ang BOC ay nananatili sa kanilang pagbabantay at dedikasyon sa pagpigil ng anomang ilegal na mga aktibidad para sa kapakanan ng ekonomiya ng bansa at katatagan sa pananalapi.
(JOEL O. AMONGO)

213

Related posts

Leave a Comment