BAGONG TAON, BAGONG SIMULA

Imbestigahan Natin
Ni JOEL O. AMONGO

SA pagpasok ng taong 2023, bitbit ng Bureau of Customs (BOC) ang malaking hamon ng pagbabagong magbibigay-daan sa target na pagpapalit wangis ng kawanihang dating kilala lang sa larangan ng katiwalian at kapalpakan.

Kabilang sa mga pagbabago ang pagtatalaga ng mga bagong opisyales na kukumpleto sa koponan ng mga taong inaasahang makakatuwang ng administrasyong Marcos Jr. sa katuparan ng pangakong sinambit ng Pangulo sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) noong buwan ng Hulyo ng nagdaang taon.

Ang totoo, hindi pa man ganap na kumpleto ang mga opisyales ng BOC, ipinamalas na ng liderato ng kawanihan ang husay sa pagtupad ng kani-kanilang trabaho batay sa mandatong kalakip ng batas na lumikha sa ahensya may 120 taon na ang nakalipas.

Isa sa kaabang-abang na anunsyo sa mga susunod na linggo ang pagpapalit ng mga district collectors sa 17 tanggapan ng kawanihan sa iba’t ibang panig ng bansa. Ilan nga kaya sa kanila ang kailangan bumaba sa kani-kanilang pwesto?

Nang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Yogi Filemon Ruiz bilang BOC commissioner, magkahalong damdamin ang bumungad sa kanyang pag-upo – ang mga sindikato at kakuntsabang korap sa gobyerno nalungkot, habang ang mga lehitimong negosyante at ang publiko natuwa sa pagkakahirang sa isang beteranong operatiba.

Ang maganda pa, wala siyang taong bitbit tulad ng ibang itinalaga sa naturang kawanihan. Sa halip na i-pwesto ang mga kaibigan, binigyang pagkakataon (hanggang Disyembre 31, 2022) ang mga dinatnan para patunayan ang kanilang husay sa kani-kanilang tanggapan. May mga kinakitaan ng sigasig at mayroon din naman walang pagbabago – mga matakaw sa pera at mga patulog-tulog sa pwesto habang patuloy ang pamamayagpag ng mga smugglers sa kanilang nasasakupang distrito.

Sa napipintong paglabas ng mga bagong appointees mula sa Palasyo, inaasahan magkakaroon ng linaw ang landas na inilatag ni Ruiz. Walang dudang masipag at mahusay si Ruiz. Katunayan, sa kanyang kumpas kumilos ang mga tamad at tumamlay ang diskarteng pilipit ng mga tiwali.

Pati si Finance Sec. Benjamin Diokno, napabilib sa ipinamalas na husay ng liderato ng kawanihan sa ilalim ng kanyang departamento. Bakit nga naman hindi – ang lahat ng district collectors at mga tanggapan ng kawanihan, naging agresibo sa paglikom ng pondo mula sa pumapasok at lumalabas na kargamento.

Ang mga mandaraya sa gobyerno, sinampahan ng kabi-kabilang kaso. Pati ang kakuntsaba sa kawanihan, walang lusot sa talas ni Ruiz pagdating sa pangangalap ng impormasyon at ebidensyang magdidiin sa kanila sa husgado.

Partida, limang buwan pa lang sa pwesto si Ruiz

Sa madaling salita, mawawala ang mga kalawang sa pagpasok ng kanyang mga makakatulong sa isinusulong na reporma sa ahensya.

Gaano nga ba kahalaga ang ginagampanang papel ng BOC? Kung susuriin ang mga datos na mula sa Department of Finance (DOF), masyadong malaki ang kontribusyon ng kawanihan sa isinusulong na pagbangon ng bansa. Ang nalikom na pondo mula sa buwis at taripang kalakip ng mga kargamento, pantustos ng pamahalaan sa mga makabuluhang programa at proyektong magbibigay ginhawa sa mga Pilipino.

oOo

Para sa reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com / operarioj45@gmail.com o magtext sa cel#0977-751-1840

31

Related posts

Leave a Comment