BOC-CLARK HUMATAW SA COLLECTION TARGET

PATULOY ang pagpapakitang gilas ng Port of Clark makaraang makapagtala ng tumataginting na P228.58-milyong koleksyon para sa buwan ng Hunyo, batay na rin sa pinakahuling datos ng Bureau of Customs Financial Service Office (BOC-FS)

Sa naturang datos, luma­labas na lumabis pa ng P11,673,306.51 ang nakalap ng naturang tanggapang tinokahang lumikom ng P216.907 milyon mula sa buwis at taripang kalakip ng pumapasok at lumalabas na kargamento para sa buwan ng Hunyo ng kasalukuyang taon.

Higit pa sa doble naman ang naturang halaga kumpara sa naipasok na ganansya ng BOC-Clark para sa buwan ng Hunyo ng nakalipas na taon kung saan umabot naman sa P133.470 milyon ang nakolekta ng nasabing tanggapang nakabase sa lalawigan ng Pampanga.

Mula Enero hanggang Hunyo 2022, walang palyang nalagpasan ng BOC-Clark ang itinakdang target para sa distritong nasasakupan.

Samantala, binigyang pagkilala naman ni BOC-Clark District Collector Alexandra Lumontad ang mga kawani ng kanyang tanggapan sa ipinamalas na husay, dedikasyon at katapatang nagbigay-daan para sa tuloy-tuloy na pag-angat ng koleksyon ng kanilang distrito. (BOY ANACTA)

75

Related posts

Leave a Comment