NASABAT NA KARGAMENTO, SINURI NG MGA BRAND REPS

SA hangaring palakasin ang mga asuntong isinampa laban sa mga smugglers ng mga branded na produkto, hiniling ng Bureau of Customs (BOC) sa mga kumpanya sa likod ng mga mamahaling signature products na makibahagi sa isinasagawang pagsusuri ng ahensya sa mga kumpis­kadong kargamento mula sa iba’t ibang bansa.

Kasama ang mga abo­gado at brand representatives, inumpisahan na rin ang pagsusuri sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) exhibit room sa Pasay City ng mga kumpiskadong signature products na inabandona o nasamsam ng mga operatiba. Kabilang rin sa mga naatasang lumahok sa pagrerebisa ang mga kinatawan sa iba’t ibang katuwang na ahensya BOC-Port of NAIA.

Pakay ng nasabing pagsusuri na makuha ang sertipikasyong nagsasabing pawang palsipikado ang mga kumpiskadong signature items tulad ng mga bag, sapatos at relong nakatakdang wasakin ng kawanihan bago matapos ang taon.

Una nang tinalakay ng Port of NAIA, Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) at mga mga kinatawan ng mga malalaking kumpanya sa likod mga luxury brands ang mga mekanismong magkatuwang na ipatutupad upang tiyakin mabibigyang proteksyon ang mga lehitimong negos­yante.

Pakay rin ng BOC na pa­tibayin ang mga asuntong isinampa laban sa mga importers sa hangaring panagutin – at kung maaari ay maipakulong ang mga umano’y nananabotahe sa ekonomiya.

Sa sandaling mapatunayang “counterfeit,” agad naman anilang wawasakin ang mga kumpiskadong palsipikadong produkto batay na rin sa Section 1141 (Mode of Disposition) at 1146 (Disposition of Prohibited Good) ng Customs Modernization and Tariff Act (JOEL AMONGO)

4

Related posts

Leave a Comment