NO CONTACT POLICY TULOY PARA IWAS-AREGLO – RUBIO

SA layuning ganap na wakasan ang kulturang areg­luhan at suhulan sa mga bulilyasong kargamento, mas pinaigting na implementasyon ng ‘no contact policy’ ang nakaamba sa mga susunod na linggo, ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio.

Sa isang pulong na ginanap kaugnay ng pagbisita ng mga opisyales ng Chamber of Customs Brokers, Inc. (CCBI) sa tanggapan ni Rubio, tinalakay ang mga agam-agam hinggil sa mga umiiral na polisiya at reglamento ng BOC.

Ayon kay Adones Carmona na tumatayong presidente ng CCBI, pakay ng kanilang pagbisita ang maging bahagi sa napipintong pagrerebisa ng mga umiiral na regulasyon sa proseso ng pagbibigay ng akreditasyon at pagpapataw ng parusang suspensyon sa hanay ng mga importer na inisyuhan ng Warrant of Seizure and Detention sa mga kargamentong nasabat ng kawanihan sa mga pantalan at paliparan.

Pagtitiyak naman ni Rubio, isaalang-alang ng kanyang tanggapan ang anomang suhestiyon at rekomendasyon ng CCBI sa proseso ng nakaambang amyenda sa Customs Administrative Order 01-2002 (Rates and Customs Brokerage Fees) kung saan nakatala ang panuntunan sa pagsusuri at pagtataya ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento.

Siniguro rin ng opisyal na wawakasan sa kanyang panunungkulan ang kulturang aregluhan at suhulan sa bisa ng mas pinaigting na ‘no contact policy.’

Gayunpaman, nilinaw ni Rubio na mananatiling bukas ang linya ng komunikasyon sa pagitan ng BOC at mga stakeholders – kabilang ang CCBI. Aniya, pwedeng makipag-ugnayan sa kanilang Customer Care Portal kung saan meron aniyang nakatalagang sumagot sa mga tanong, paglilinaw at mga umiiral na panuntunan sa kalakalan.

“As we move forward, we will continue our active collaborations with partner agencies as we acknowledge the important role of stakeholders in improving Customs services and procedures,” ani Rubio. (BOY ANACTA)

405

Related posts

Leave a Comment