P27.6-M SMUGGLED YOSI NASABAT SA BOC-ZAMBOANGA

NAHARANG ng Bureau of Customs – Port of Zamboanga (BOC-POZ) ang P400,000 halaga ng motorized wooden craft na may kargang illegally imported 482 master cases ng mga sigarilyo na tinatayang ang market value ay aabot ng P27.6 milyon, sa Brgy. Baliwasan, Zamboanga City, noong Enero 26, 2024.

Pinangunahan ng BOC Water Patrol Division (WPD), kasama ang Enforcement and Security Service-Customs Police Division and Customs Intelligence and Investigation Service, ang maritime patrol operation na nagresulta sa pagkakahuli sa motor boat na may markang “FB JFM 2”. Sa isinagawang inspeksyon, ang watercraft, na kilala rin bilang “jungkong”, ay nadiskubreng kargado ng nabanggit na kontrabando.

Nabigo ang arestadong 9 crew members na magpresenta ng mga dokumento para patunayan ang legalidad ng subject importation.

Pagkaraan ay inasistehan ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company ang bureau sa pagmaniobra sa jongkong at sa kargo nito patungo sa kanilang office address sa Brgy. Baliwasan, kung saan isinagawa ang imbentaryo.

Pinuri naman ni Acting District Collector Arthur G. Sevilla, Jr., ang WPD sa matagumpay na maritime security sa erya, na bahagi ng pagsisikap ng bureau na mapigilan ang mga smuggler sa pagpasok ng mga kontrabando, ayon sa mandato ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio.

Ang kumpiskadong barko at master cases ng mga si­garilyo ay kasaluku­yan nang nasa kustodiya ng bureau habang nakabinbin ang seizure and forfeiture proceedings dahil sa paglabag sa Section 1113(a) ng Republic Act 10863, o “Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016, na may kaugnayan sa Section 117 at sa Tobacco Exportation and Importation Rules and Regulations.

Gayundin, ang bureau ay nagsampa ng smuggling case laban sa siyam na crew dahil sa paglabag sa Section 1401 ng CMTA. Kasalukuyan silang nakaditine sa Zamboanga City Police Station 11.

1078

Related posts

Leave a Comment