Imbestigahan Natin Ni JOEL O. AMONGO
DALAWANG linggo na lang bago sumapit ang buwan ng Kapaskuhan (Disyembre), muli na namang sinubukan ng smuggler ng agri-products na magpasok ng kanilang mga produkto sa bansa, pero nabigo sila.
Kamakailan, nakasabat ng misdeclared fresh agricultural products ang mga tauhan ng Bureau of Customs – Port of Subic (BOC-POS).
Sa natanggap na ulat mula sa mapagkakatiwalaang impormasyon, ang Port of Subic ay nag-isyu ng walong Pre-Lodgement Control Orders at dalawang Alert Orders laban sa labing-limang 40-footer container van shipments na sinasabing naglalaman ng frozen lobster balls at frozen Surimi crab.
Subalit nang isagawa ang 100% physical examination sa nasabing mga kargamento ay nadiskubreng naglalaman ito ng mga sariwang gulay tulad ng potatoes, carrots at broccoli.
Ang nasabat na misdeclared agricultural products ay naging pakay ng seizure and forfeiture proceedings para sa paglabag sa Section 1113 na may kaugnayan sa Section 117 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at DA A. O. No. 09 Series of 2010 at DA A.O. No. 18 Series of 2000.
Agad na ipinasa ang records ng naturang ilegal na importasyon sa Bureau Action Teams Against Smuggling (BATAS) para sa kaukulang case build-up at pagsasampa ng kaso laban sa mga perso
nalidad na responsable sa tangkang smuggling.
Dahil sa pagkakasabat sa tangkang smuggling ay pinuri ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang mga tauhan ng BOC-POS na napigilan ang pagpasok ng posibleng mapanganib na agricultural products sa bansa.
Hindi lang kalusugan ng mga Pilipino ang naprotektahan sa pagkakasabat ng mga produktong ito kundi maging ang kita ng lokal na mga magsasaka.
Sa 15 40-footer container vans na nahuli ng BOC-Subic, sapat na ito para muling bahain ang Pilipinas ng imported na agricultural products sa darating na Kapaskuhan.
Ayon sa pag-iimbestiga natin, regular na may pumapasok na smuggled agri-products sa bansa tuwing samasapit ang Kapaskuhan.
Sa buwan ng Disyembre kasi ay maraming handaan kaya ito ang panahon ng maraming pangangailangan ng mga Pilipino sa agri-products.
Kabilang sa mga ito ay prutas, gulay, sangkap sa mga pagluluto, bigas at karne.
Kaya ito rin ang panahon ng mga smuggler para subukan nilang magpuslit ng kanilang mga produkto papasok sa Pinas.
Buti na lang maagap ang mga tauhan ng BOC-POS. “Keep up the good work, mga bossing!”
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.
233