PINAYUHAN ng Department of Health (DoH) ang mga Filipino na maging creative o malikhain sakali at hindi nakabili ng N95 o iba pang face surgical mask na panlaban sa ash falls mula sa Bulkang Taal sa pamamagitan ng ilang gamit na nasa bahay mismo tulad ng bra at diaper.
Sa isinagawang press briefing ng Laging Handa team sa New Executive Building (NEB) Malakanyang ay sinabi ni DOH Asec. Maria Francia Laxamana na ang isa pang substitute o pamalit sa N95 mask ay magmistulang ninja.
Ang gagawin lamang aniya ay balutin ng tela ang ulo at mukha na ang makikita lamang ay ang mga mata habang iikot naman ang natitirang tela hanggang sa leeg. Dapat aniyang siguruhin na ang tela na matatapat sa ilong ay basa.
Ang ganito aniyang hakbang o ninja costume ay ginawa na noong pumutok ang Mt. Pinatubo at Mt. Mayon. Gumana naman aniya ang estratehiyang ito at maraming respiratory illness na naiwasan.
Bukod dito, puwede rin aniyang gumamit ng bra, panty , diapers na babasain lamang nang kaunti para hindi ma-suffocate. Bukod aniya sa mapo-protektahan ang tenga ay mapoprotektahan din ang ilong at bibig.
‘Very creative ways, practical ways,” ayon kay Laxamana.
Maaari rin aniyang gamitin ang goggles na ginagamit sa diving at swimming para naman maprotektahan ang mata sa ash fall. CHRISTIAN DALE
206