PINAS BINABAHA NG IMPORTED CHICKEN?

Imbestigahan Natin Ni Joel O. Amongo
MAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang Senate Committee on Agriculture hinggil sa sinasabing sobra-sobrang importasyon ng manok dahilan ng oversupply nito sa merkado.
Kaya naman nanawagan si Senador Cynthia Villar, chairperson ng komite, na iwasan ang sobra-sobrang importasyon ng manok.
Ayon sa kanya, dapat angkatin lamang ng Department Agriculture (DA) ang kulang na idine­deklara ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Matatandaan kamakailan, inireklamo ng ilang agriculture stakeholders ang oversupply ng manok sa merkado sa nakalipas na mga buwan. Dahil dito, bumagsak ang farmgate prices nito.
Sa tala ng United Broiler Raisers Association, mayroon pang chicken surplus na tatagal ng 114 araw sa pagtatapos ng taon kahit ang standard policy ay 45-day excess lamang.
Sa pagtaya ng Samahang Industriya ng Agrikultura, tatagal ang suplay hanggang unang quarter ng 2024.
Kung sobra-sobra ang imported na manok, paano naman daw ang lokal na mga magmamanok? Siyempre, malulugi sila.
Kung tutuusin ay pabor sa konsumer ang sobra-sobrang suplay ng manok dahil siguradong magmumura ang presyo nito sa merkado.
Kaya nga lang ay negatibo ito sa lokal na mga magmamanok dahil babagsak ang presyo ng kanilang mga produkto.
Baka tuluyan na silang malugi at mawalan ng hanapbuhay ang lokal na mga magmamanok.
Hindi kasi makasabay ang lokal na mga magmamanok sa imported dahil sobrang mahal ng mga patuka rito sa Pinas.
Sabi tuloy sa atin ng ating mga tagasubaybay, para kanino raw ba ang ginagawa ng mga opisyal ng DA, para sa mga negosyante ba o sa mga magsasakang Pinoy?
Napapansin kasi nila na kadalasan daw, binibigyan ng importansiya ng DA ang mga negosyante.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.
273

Related posts

Leave a Comment