Sa pulong ng mga BOC lawyers MEKANISMO BINALANGKAS PARA IDIIN MGA INASUNTO

SA hangaring tuluyan nang wakasan ang pamamayagpag ng mga sindikato at mga kasapakat sa pamahalaan, binalangkas ng mga abogado ng Bureau of Customs (BOC) ang mga angkop na mekanismong magbibigay daan para ipanalo ang lahat ng asuntong inihain ng kawanihan laban sa mga smugglers at mga protektor na tinukoy sa mga isinampang kaso.

Sa ginanap na Legal Summit 2022 na dinaluhan ng mga abogado mula sa iba’t ibang tanggapan ng BOC at mga district collection offices ng kawanihan, inilatag rin ni Atty. Julito Doria na tumatayong hepe ng Prosecution and Litigation Division ang wastong pamamaraan sa paglalabas ng apprehension of goods, alert orders, letters of authority at warrant of seizure and detention.

Pasok din sa mga pinaksa sa pagpupulong na inorganisa ng Revenue Collection and Monitoring Group-Legal Service at Interim Training and Development Division ang angkop na prosesong kalakip ng Seizure and Forfeiture Proceedings, Remedies after the Order of Forfeiture at Protest.

Sa huling araw ng summit naman isahang binalangkas ang mga rekomendasyon batay sa mga nakalap na suhestiyon (mula sa mga duma­long abogadong kinatawan ng iba’t ibang tanggapan ng BOC) sa regulasyon at panuntunan sa proseso ng pagkumpiska ng mga nabulilyasong kalakal.

Lumagda rin sa isang manifesto ang mga delegado, kasabay ng pagsumpa ng katapatan sa mandato ng kanilang trabaho bilang abogado ng naturang ahensya ng gobyerno.

Pinagtibay rin ng mga BOC lawyers ang pangakong pagpapalakas, koordinasyon at kooperasyon sa pagitan ng mga nakiisang mga tanggapan para sa epektibong pagpapatupad at implementasyon ng mga probisyon sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at mga panuntunan sa paglalabas ng inamyendahang Customs Memorandum Order sa aspeto ng “seizure and forfeiture proceedings and appeals.” (JOEL AMONGO)

234

Related posts

Leave a Comment