SMUGGLED YOSI, SABAT SA SUBIC

TUMATAGINTING na P40.1-milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nabulilyaso ng mga alistong kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa Subic kamakailan.

Sa kalatas ng BOC, hagip ng mga operatiba ng Port of Subic ang isang dambuhalang 40-ft container van bunsod ng timbre ng isang impormante hinggil sa pagpasok ng isang kargamento mula sa karatig na bansang Tsina.

Sa isang Pre-Lodgment Control Order na nilagdaan ni BOC-Subic District Collector Maritess Martin, batay na rin sa rekomendasyon ng Customs Investigation and Intelligence Service-Field Station, lumalabas na labag sa National Tobacco Administration (NTA) Memorandum Circular No. 03 Series of 2004 at NTA Board Resolution No. 079-2005 at Republic Act 10863 (Customs Modernization Tariff Act) ang pagpasok ng naturang kargamentong walang kaukulang permiso mula sa NTA.

Sa pagrerebisa ng mga dokumentong kalakip ng mga sigarilyong inangkat mula sa Tsina, lumalabas na walang Import Clearance ang kontrabando. Wala rin anilang Authority to Import at Authority to Trans-ship Tobacco Products nor Trans-shipment Commodity Clearance Inbound, ang naka­talang importer ng nasabing kargamento.

Paglilinaw ni Martin, bahagi ng regulasyon ng pamahalaan ang permits at clearances bago pa man ang pang-angkat ng anumang kalakal – kabilang ang sigarilyo.

Sa datos ng pamahalaan, isa ang cigarette smuggling sa may pinakamalaking pinag­huhugutan ng ganansya ng mga iligalista – bukod pa sa droga. (BOY ANACTA)

66

Related posts

Leave a Comment