Sindikato, bigo na naman! 2 DAKIP SA P13.8M

DROGANG PADALA Ni CREMA LIMPIN

HINDI na nagawa pang pumalag ng dalawang babaeng consignee matapos dakpin ng mga operatiba sa aktong pagtanggap ng dalawang kilong shabu sa isinagawang joint anti-illegal drug ope­ration sa Lungsod ng Pasay kamakailan.

Sa kalatas ng Bureau of Customs (BOC), arestado sina Annalyn Real, 50-anyos at ang 23-anyos na anak na kinilala sa pangalang Nika Angel Real, kap­wa residente ng Mandaluyong City.

Ayon sa kawanihan, kum­piskado rin ang nasa P13.8 milyong halaga ng shabu na una nang nabulilyaso ng BOC-Port of Clark matapos ang isinagawang inspeksyon sa kargamentong idineklara bilang “microserver double stainless ceramic.”

Batay sa dokumentong kalakip ng nasabing kargamento, inangkat pa mula sa Bangkok, Thailand ang drogang dumating noong Enero 2 ng kasalukuyang taon.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), isinagawa ang operasyon sa isang package shipping and distribution facility sa Pasay City.

Bago pa man inilunsad ang operasyon, una nang nabisto ang drogang kinubli sa “water tumblers” matapos makitaan ng kaduda-dudang imahe ang kargamentong sumailalim sa X-ray scanning sa Port of Clark.

Nang buksan ang kargamento, tumambad ang mga drogang agad na ipinasuri sa PDEA. Ang resulta – positibong shabu.

Dito na ikinasa ang operasyon kontra droga na humantong sa pag-aresto sa mga suspek, na kapwa nahaharap ngayon sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Pagtitiyak ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, patuloy ang nakalatag na paghihigpit ng kawanihan sa lahat ng pumapasok at lumalabas na kargamento bilang tugon sa direktiba ng Pangulo hinggil sa kampanya ng pamahalaan laban sa ipinagbabawal na gamot.

30

Related posts

Leave a Comment