Suspek kumpirmadong gun-for-hire 1 BARIL LANG GAMIT SA 3 PANANAMBANG

KUMPIRMADONG gun-for-hire ang nasa likod ng tatlong insidente ng pananam­bang sa hanay ng mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs mula Enero hanggang Pebrero, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sa isang pulong balitaan nitong nakaraang linggo, haya-gang sinabi ni PNP spokes­person Colonel Jean Fernando na iisang armas lamang ang ginamit sa tatlong magkakahiwalay na pamamaril noong Enero 7, Enero 14 at Pebrero 11, 2022.

“Doon sa insidente sa January 7, January 14, and February 11, based po doon sa cross-matching natin ay iisa yung baril na ginamit, 9 mm. Nag-match yung mga nakuha nating fired cartridge cases,” aniya.

Samantala, sinabi rin niya na naghain na ang pulisya ng reklamong murder at possession of firearms laban sa kinilalang gunman sa shooting incident noong Enero.

Sa kaugnay na balita, paghihiganti naman ang lumalabas na motibo sa tangkang pamamaslang sa 30-anyos na si Atty. Joseph Samuel Zapata na tinambangan nito lamang Abril 4 sa kahabaan ng Macapagal Boulevard sa Pasay City.

Ayon kay Pasay City Police chief Colonel Cesar Paday-os, isang kapwa kawani ng biktima ang itinuturing na person of interest – isang BOC personnel na nakatalaga sa BOC-Port of NAIA na diumano’y nakaaway ni Zapata makaraang isyuhan ng subpoena noong Setyembre 2021 bilang bahagi ng trabaho sa BOC internal and prosecution division.

Bago ang pananambang kay Zapata, ilang opisyal at kawani na rin ng BOC ang tinambangan mula Oktubre ng nakalipas na taon. Kabilang sa mga napatay sa serye ng pag-atake sa hanay ng mga kawani ng BOC sina BOC senior appraiser Eudes Nerpio, BOC assistant section chief Ryan Difuntorum, BOC-IT personnel Gil Manlapaz, at Atty. Melvin Tan.

 

Sa mga naturang pana­nambang, kapwa nasawi sina Nerpio at Manlapaz na kapwa pinaslang sa lungsod ng Maynila.
Hinagisan naman ng granada ang labas ng bahay ni Deputy Commissioner for Enforcement Group Teddy Raval noong Pebrero 9.

111

Related posts

Leave a Comment