HABANG isinusulong ni Senador Win Gatchalian na magkaroon ng internet connectivity ang lahat ng mga mag-aaral sa bansa, binigyang diin niya rin na dapat maging ligtas na espasyo ang internet para sa bawat kabataang Filipino.
Ayon sa pag-aaral ng “Philippine Kids Online” noong 2020 na sinuportahan ng United Nations Children’s Fund, ang mga kabataang Filipino na may edad sampu ang kadalasang gumagamit ng internet sa unang pagkakataon. Bagama’t ikinatutuwa ng karamihan ng mga kabataan ang paggamit ng internet, wala pang isa sa dalawang bata ang nakakaramdam na ligtas ang internet para sa kanila.
Ipinakita rin sa naturang pag-aaral na isa sa apat na bata sa bansa ang nakakita ng malaswang larawan sa internet. Isa sa pitong bata ang nakatanggap ng malaswang mensahe noong nakaraang taon, samantalang isa sa lima ang nag-ulat na may nangyari sa kanila noong nakaraang taon na ikinabahala nila.
Ayon pa sa naturang pag-aaral, kakaunti lamang ang mga batang humingi ng tulong matapos mabiktima ng “unwanted sexual attention” o pambabastos. Isa sa lima ang nagbura ng malaswang mensaheng natanggap, ngunit wala pang isa sa sampu ang nag-ulat tungkol sa insidente o taong nambastos sa kanila sa online platform.
“Bagama’t isinusulong nating maabot ng internet ang bawat bata o mag-aaral sa bansa para sa kanilang edukasyon, nais din nating tiyakin na ligtas ito para sa kanila, lalo na’t ang internet ay maaaring gamitin sa iba’t ibang anyo ng pang-aabuso at karahasan,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1985 o ang Parent Effective Service (PES) Program Act upang paigtingin ang kakayahan ng mga magulang at mga guardian na panatilihing ligtas ang kanilang mga anak. (ESTONG REYES)
176 