BATANGAS CITY-Napatay sa suntok ang isang lalaki matapos ipagtanggol ang kanyang girlfriend at mga kaibigan habang nagkakasayahan sa isang resto bar sa Lipa City, Sabado ng gabi.
Kinilala ni Lipa City Police Station chief Lt. Col. Antonio Rotol Jr. ang biktima na si John Derreck Lucero.
Base sa report, bandang alas-9:40 ng gabi ay nag-iinuman ang biktima kasama ang girlfriend na si Patricia at mga kaibigan sa Casa Carlo Resto Bar sa JP Laurel Highway, Brgy. Balintawak, Lipa City nang dumating ang hindi pa nakikilang suspek.
Sa hindi pa malinaw na dahilan ay bigla umanong nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at biktima na humantong sa hamunan ng suntukan. Kasunod nito ay nakitang pinagtutulungan na ng grupo ng suspek ang biktima at nilubayan lang nang humandusay na ito sa sahig at duguan.
Isinugod sa Mary Mediatrix Center si Lucero ngunit idineklara na itong dead-on-arrival.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang mapanagot ang mga salarin. (CYRILL QUILO)
