NABISTO ng Commission on Audit (COA) ang pinaniniwalaang ilegal na paggastos ng Bureau of Immigration (BI) sa P5.816 milyong pondo nito sa pagpapakain sa mga dayuhang bilanggo ng ahensiya nitong 2019.
Una, nakasaad sa COA 2019 Report ay 2010 memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng BI at pribadong catering services company ang ginamit na batayan ng paggastos sa P5,816,460 mula Enero hanggang sa dulo ng Disyembre 2019.
Ang multimilyong halagang ito ang naging badyet para pakainin ng tatlong beses kada araw ang 244 dayuhang nakakulong sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig.
Naniniwala ang COA audit team na ang nabanggit na “MOA was valid only for Calendar Year 2010 expenditure, and cannot be used as basis for payment of expenditures for succeeding years (2011-2019).”
Ang nakalagda sa MOA para sa BI ay si Commissioner Marcelino Libanan.
Ikalawa, nakita rin ng COA na wala sa listahan ng BI procurement plan para sa 2019 ang catering services na binayaran ng ahensiya ng mahigit P5.8 milyon.
Ang ikatlong ‘krimen’ ay walang “valid contract” sa pagitan ng BI at ang nasabing pribadong kumpanya, patuloy na saad ng ulat ng COA.
Ikaapat, tinumbok din sa ulat na walang lehitimong mga dokumento, o resibong kakatawan sa mahigit P5.8 milyong ibinayad ng BI sa catering firm, dahilan upang masabi na ang mahigit P5.8 milyon ay “reasonable, advantageous to the government, and in accordance with existing procurement procedures, laws, rules and regulations.”
Ang ikalimang napuna ng COA audit team sa BI’s Annual Procurement Plan (APP) para sa 2018 hanggang 2019 na ang pagkuha ng food catering firm para magpakain sa mga dayuhang bilanggo ng ahensiya ay hindi pasado sa “procuring authority.”
Ayon sa COA, labag ito sa Seksiyon 7, Artikulo 2 ng Republic Act 9184, o Government Procurement Reform Act.
Nakasaad dito na “no government procurement shall be undertaken unless it is in accordance with the approved Annual Procurement Plan of the procuring entity.”
Taliwas din ito sa nakasulat sa Seksiyon 85 ng Presidential Decree 1445, o Government Auditing Code of the Philippines, “no contract involving the expenditure of public funds shall be entered into unless there is an appropriation therefor.”
Binanggit sa ulat ng COA na mahalaga ang pagsunod sa mga batas kapag pumapasok ito sa kontrata sa pribadong kumpanya, o mayroong binibili ang ahensiya ng pamahalaan sa pribadong kumpanya. (NELSON S. BADILLA)
