CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SWERTE naman ng mga barangay official sa pagpapaliban ng nalalapit na barangay and SK elections (BSKE).
Suwerte na, mapalad pa kapag naging apat na taon na ang kanilang turno, mula sa tatlong taong limit.
Sabagay, kung ngayong taon mag-eeleksyon ay lalabas na dalawang taon lang nagsilbi ang mga nakapwesto ngayon sa barangay. Unfair nga naman.
Ayan, niratipikahan ng Kongreso ang bicameral committee report na nagpapaliban ng naturang halalan.
Ang ulat, na pinagsama ang Senate Bill No. 2816 at House Bill No. 11287, ay nag-amyenda sa Republic Act No. 7160, o ang Local Government Code of 1991, partikular ang turno at ang petsa para sa susunod na BSKE, ay ipadadala kay President Marcos para sa kanyang lagda. Kapag nilagdaan para maging batas, ang susunod na BSKE ay gaganapin sa unang Lunes ng Nobyembre sa susunod na taon, sa halip na ngayong Disyembre 1.
Magiging malawig pa ang posisyon ng mga opisyal ng barangay kumpara sa mga lokal na opisyal at mga kongresista.
Marami na ang nauumay sa ibang opisyal ng barangay kaya hindi na raw dapat ipagpaliban ang halalan at palawigin ang termino ng mga ito.
Sa mga naririnig nating bulalas na sentimyento ng mga barangay folk, gusto nilang magkaroon na ng mga bagong opisyal ng barangay upang maiba ang pagbibigay ng pabor, na ang tinutumbok ang iba’t ibang uri ng ayuda.
Saloobin ito ng iba, ha.
Sabagay, makabubuti rin siguro na lumawig ang kanilang paghawak ng posisyon nang magawa nila ang mga proyekto.
Magkano lang naman ang alokasyon o Internal Revenue Allocation (IRA) ng isang barangay. Nasa 55% ng taunang income ng barangay ay nakalaan sa personal services – kabilang ang sahod.
May alokasyon na 20% ng income ang development projects o ang tinatawag na 20% Development Fund o DF.
Kaya, kailangan atang tumagal ang paglilingkod ng mga barangay official nang maipagpatuloy ang kanilang mga proyekto.
Sana. Pero ika nga, may mga kapitan na inookray na kupitan, mga kagawad naman ay barangay tagay at palad.
Yan nga lang.
Kaya kapag may ayuda, si kapitan, kagawad, secretary ang nasisita ng mga hindi nakalista.
Sa ayuda, may biyaya, may nagpapasasa, ngunit maraming naghihimutok, nagseselos, at nagbabangayan.
Kinukuwestyon nga ang bilyong inilaan sa programa, at nahulma ang tawag na tambaloslos.
Sa puno nga lang ay nagkakalintikan na, ano pa aasahan sa mga sanga.
Basta ang ayuda ay grasya sa marami.
