HINAGISAN ng granada ng riding in tandem ang parking lot ng Manila Arena sa Sta. Ana, Manila noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa ulat ng Manila Police District Bomb Disposal Unit, nakatanggap sila ng tawag na umano’y may dumating na magkaangkas sa hindi naplakahang motorsiklo at hinagisan ng granada ang parking lot sa main gate ng Manila Arena sa New Panaderos St. sa Sta. Ana, Manila bandang alas-6:05 ng gabi.
Nabatid kay Lt. Jay Michael Querubin ng MPD-Station 6, agad silang tumawag sa MPD-Bomb Disposal Unit at sa pangunguna ni P/Major Omar Cuyugan, agad na kinordon ang area saka isinailalim sa masusing imbestigasyon upang mabatid kung ano ang motibo sa insidente.
Nabatid mula kay Mark Joseph, security guard, dahan-dahan umanong dumating ang magkaangkas sa motorsiklo na kapwa naka-helmet at inihagis ang isang granada. Masuwerteng walang nasaktan sa insidente.
Pagkaraan ay nakita sa CCTV footage ang papatakas na motorsiklo ng mga suspek patungo sa Lambingan Bridge.
Ayon kay P/Lt. Col. Orlando Mirando Jr., patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente upang mabatid ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa insidente dahil pawang mga nagsusugal lamang unano ng online sabong ang naroroon sa loob ng arena. (RENE CRISOSTOMO)
457