ISAMA NA NATIN SA IPAGTITIRIK NG KANDILA ANG MGA KORAP

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NAGHAHANDA na ang mga Pilipino na dumalaw sa mga libingan, magsindi ng kandila at mag-alay ng bulaklak para sa kanilang yumaong mahal sa buhay.

Undas na – ang makabuluhang tradisyon na nagpapamalas ng paggunitang may pagmamahal ng mga tao sa mga nawala na sa mundo.

Bakasyon din ang kahulugan nito at dahil sama-sama ay mistulang family reunion sa mga puntod.

Idineklara ng Malacañang ang Biyernes, Oktubre  31, 2025, na special (non-working) day sa buong bansa bilang komemorasyon ng All Saints’ Day.

Aba, mahabang weekend. Makabibisita na sa libingan, makakapiling pa ang pamilya nang ilang araw.

Kaso nga lang, sa mga uuwi sa kanilang probinsya, lalo na sa malalayong lugar, mas mahabang oras ang bubunuin sa byahe kaysa guguguling mga sandali sa piling ng pamilya.

Naka-heightened alert din ang Philippine National Police (PNP) mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 upang masiguro ang seguridad at kaligtasan ng publiko sa okasyong ito.

Teka, taun-taon ipinagdiriwang ang Undas, ngunit ano ba ang tunay na pinagmulan nito.

Ganito raw kaya naging Undas ang tawag sa Dia De Los Todos Santos o ang Day of All Saints.

Nakagawian daw ng mga Pinoy noon na paikliin ang mga kataga o salita, at dahil karamihan ay hindi nakapag-aral ng wikang banyaga kaya pinaikli na lang.

Ang Undas daw ay orihinal na salitang Kastila na “hondras” o “honras funebres” (funeral honors) na ibig sabihin ay parangal sa patay.

Sinusundan ito ng All Souls Day o Araw ng mga Kaluluwa bilang paggunita sa lahat ng yumao.

Matandang tradisyon at mayamang kultura ng mga Pilipino na ipagdiwang ang Undas tuwing ika-1 ng Nobyembre o unang Linggo ng Pentekostes, bilang pag-alaala sa lahat ng santo o banal.

Ang Undas ay naiibang tradisyon na naglalarawan ng diwa ng mga Pinoy. Ito ay selebrasyon ng buhay, ng kahulugan ng buhay at kamatayan, pananalig at pag-ibig. Ito ay nagpapaalala ng halaga ng paggalang sa ating nakaraan at pinagmulan.

Bago ang dalawang araw na pangkultura at pangrelihiyong tradisyon ay isinasagawa ang nakagawiang Halloween o Gabi ng Pangangaluluwa. Ang Oktubre 31 ay Bisperas ng Todos los Santos. Ang Araw ng Pangangaluluwa ay masayang atraksyon kahit ito ay nagpapamalas ng nakatatakot na maskara, mga costume, at mga dekorasyong katatakutan.

Taliwas ito sa paniniwala ng Simbahan Katoliko.

Ang tunay na paniniwala ay nagpapaalala na ang Oktubre 31 ay Gabi ng mga Banal (All Hallows’ Eve).

Ang gabing ito ay selebrasyon para sa mga banal at para sa nagsusumikap na mabuti para maging banal.

Ang Hallows ay nangangahulugan ng banal, kaya ang Halloween ay selebrasyon ng kapistahan ng All Hallows (all saints). Ito ang araw na ipinagbubunyi ng mga katoliko ang pananaig ng Simbahan sa langit at ang buhay ng mga santo sa mundo. Hindi ito gabi ng dilim at lagim.

Pero, bakit nakakabit din ang halloween sa multo? Pinatitingkad din ng paniniwalang ito ang matandang kulturang pangkamatayan at pangkaluluwa.

Gayunpaman, ibang multo na ang nakatalukbong ngayon. Hindi na kinatatakutan. Gusto nang ipagtabuyan at iselda. Nais na rin ata ng mga sawa na sa korupsyon na ipagtirik ng kandila ang mga kurakot kahit hindi pa upos ang kanilang hininga.

Hindi na nga nawawala ang usapang multo kahit walang undas.

Mas nakatatakot din ang mga multong proyekto na ibinabaon ang mga tao sa kahirapan.

Habang palabas ang gabi ng lagim ng ilang korap, mag-ingat din tayo ngayong Undas at Araw ng mga Kaluluwa. Mahalaga ang seguridad at kaligtasan. Responsibilidad ng bawat isa na tiyaking maayos at ligtas sila sa paggunita ng Undas at Araw ng mga Kaluluwa.

Sana, lahat ay ligtas, payapa at makabuluhan ang paggunita ng Undas.

11

Related posts

Leave a Comment