CAVITE – Pitong kalalakihan ang sugatan kabilang ang driver ng isang pampasaherong jeep, nang mahulog ang nasabing sasakyan sa ginagawang tulay makaraang bumangga sa gutter sa Dasmariñas City noong Linggo ng gabi.
Pawang nilalapatan ng lunas sa Pagamutang Bayan ng Dasmariñas ang mga biktimang sina Che, Ren, Jerome, Emman, Ronald, John at ang driver ng pampasaherong jeep, pawang mga residente ng Dasmariñas City, dahil sa mga sugat sa katawan.
Ayon sa ulat, bandang alas-11:50 ng gabi nang mangyari ang insidente sa tulay sa Brgy. Fatima 3, Dasmariñas City habang galing ang mga biktima sa isang inuman at nang mag-uwian ay nagkayayaang kumain sa isang kainan sa nasabing barangay.
Habang binabagtas ang lugar, pagsapit sa tulay ay nabangga ng driver nito ang gutter dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela at dumiretso sa under construction na bahagi ng tulay, ang kanilang sinasakyan at nahulog.
Masuwerte namang hindi nahulog sa malalim na bangin ang mga pasahero dahil sa mga biga na nakaharang dito subalit pawang nasugatan.
(SIGFRED ADSUARA)
