JEEPNEY PHASE-OUT NANGYAYARI NA

ISA sa puntirya ng Duterte administration nang ­mag-­simula silang manungkulan noong 2016 ay i-phase-out ang mga traditional jeepney dahil sa palagay nila ay nagiging sanhi ang mga ito ng pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila.

Hindi kasi nila tinupad ang pangako nila na sa loob ng unang anim na buwan ay reresolbahin nila ang matinding trapik sa Metro Manila lalo na sa EDSA kaya ang naisip nilang solusyon marahil ay i-phase-out na lang sa mga lansangan ang mga pampasaherong jeep.

Napakalaking pera kasi ang nawawala sa bawat araw na natetengga ang mga motorista at mananakay sa lansangan dahil sa trapik at sa dami (noon) ng pampasaherong jeep, kaya sila ang nakita at hindi ang mga pribadong motorista.

Magkano ba ang nawawala araw-araw? Sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), P3.5 billion ang nawawala araw-araw dahil sa matinding trapik sa Metro Manila at sa 2035 ay aabot na ito sa P5.4 billion kaya aligaga ang ­gobyerno sa paghahanap ng paraan para resolbahin ito at isa sa mga ­pinagdiskitahan ay ang mga traditional jeepney.

Papalitan na lang daw ng mga makabagong pampasaherong jeep ang mga traditional jeep kaya biglang nagsulputan ang mga bago sa lansangan pero mangilan-ngilan lang dahil sa sobrang mahal ng bawat unit at hindi kaya ng ordinaryong operator na bumili.

Sa katunayan, itinakda ang total phase-out noong Abril 2022 pero nagkaroon ng ­pandemya noong 2020, nagkaroon ng ­mahabang lockdown kaya ­gumarahe ang mga traditional jeepney dahil wala namang pasahero.

Nang pinayagan ang pagbiyahe, hindi lahat ay binigyan ng otorisasyon na bumiyahe kaya maraming sasakyan ang natengga at karamihan ay inuwi na lang sa probinsya o kaya ibinenta at ginawang panghakot ng mga produkto na lang.

Ngayon ay baka tuluyan na ngang iwanan ng mga tsuper ang pamamasada dahil hindi na nila kaya ang sobrang mahal na diesel na kanilang ginagamit sa pamamasada.

Bago ang lockdown noong 2020, ang halaga ng diesel ay P58 kada litro lamang pero ­ngayon ay mahigit P81 na kaya ano pa ang kikitain ng mga tsuper lalo na ‘yung mga nakikipasada lang?

Nagpapagod lang sila.

Marami sa mga tsuper ang naghanap na lang ng ibang trabaho habang ‘yung iba naman ay umuwi na lang sa kanilang probinsya lalo na ‘yung mga nangungupahan lang dito sa Metro Manila.

Kung baga kusa na ang phase-out ng mga traditional jeepney dahil sobrang mahal na ng krudo kaya matutupad na ang pangarap ng Duterte administration na mawala sa langansan ang mga pampasaherong jeep.

Ang problema ay baka magkaroon ng transport crisis dahil walang masakyan ang mga manggagawa sa pagpasok sa kanilang trabaho lalo na’t wala namang nangyari sa transport program daw ng papaalis na administrasyon.

Teka, kailan naman kaya ipatigil muna ng gobyerno ang pagbebenta ng mga karagdagang sasakyan sa mga pribadong motorista na siyang sanhi talaga ng trapik habang hindi pa ma­ayos ang transport system?

Mangyayari ba?

631

Related posts

Leave a Comment