MERALCO NAGPATAYO NG BAGONG FIRE SUB-STATION BILANG PAKIKIPAGTULUNGAN SA BFP

SA GANANG AKIN ni JOE ZALDARRIAGA

NAPAKAHALAGA ng mga programa, inisyatiba, at mga alituntuning pang-kaligtasan na ipinatutupad ng pamahalaan para sa sambayanan. Sa tulong ng mga miyembro ng pribadong sektor at sa pamamagitan ng mga inisyatiba nitong alinsunod sa mga adhikaing pangkaligtasan ng pamahalaan, lalong nasisiguro ang kaligtasan at kapayapaan sa komunidad.

Bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, batid ng Meralco ang kahalagahan ng pakikiisa nito sa pamahalaan partikular na sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagsiguro ng kaligtasan hindi lamang ng mga empleyado nito kundi pati ng buong komunidad. Bukod sa pagpapatupad ng mga safety protocol, pinaigting din ng kompanya ang emergency response nito para agarang matugunan ang anomang aksidente o emergency sakaling mangyari ito.

Kaugnay nito, nagpatayo ang Meralco ng fire sub-station sa loob mismo ng headquarters nito sa Pasig na pinasinayaan noong ika-24 ng Marso upang mas palakasin ang kapasidad nito sa emergency response. Ang inisyatibang ito ay bahagi ng Memorandum of Agreement na pinirmahan ng Meralco at BFP noong nakaraang taon.

Magsisilbi itong fire emergency response center at linya ng komunikasyon sa pagitan ng Meralco at ng BFP upang mas mabilis mapatay ang serbisyo ng koryente sa mga lugar na nasunugan. Dito rin isasagawa ang pagsasanay ng mga bumbero at ng mga miyembro ng rescue team.

Nakaparada na rin sa bagong fire sub-station ang mga fire truck, mga water tanker, mga rescue tender at mga rescue boat. Nawa’y hindi kailanganin ang mga ito ngunit kung sakali mang may mangyaring insidente ng sunog, tiyak na handang handa na ang Meralco Fire Brigade Team na rumesponde rito.

Bahagi rin ng kasunduan ang pagbuo ng Meralco ng sariling fire brigade team na sasailalim sa pagsasanay ng BFP. Responsibilidad ng brigada ang agarang pagresponde sa mga insidente ng sunog hindi lamang sa kalapit na komunidad, kundi sa mga lugar na sakop ng prangkisa ng Meralco.

Sa katunayan, mula nang nabuo ang brigada, ilang beses na rin silang rumesponde sa mga insidente ng sunog. Isa sa mga nirespondehan nito kamakailan ay ang sunog sa Sikap Compound, Ismar Barangay Kalawaan sa lungsod ng Pasig, kung saan anim na bahay ang nadamay.

Hindi lamang ang fire brigade team ang sinisigurong may kaalaman pagdating sa emergency response para sa insidente ng sunog. Maging ang mga empleyado sa mga business center ng Meralco ay sumailalim din sa mga fire drill sa pakikipagtulungan sa mga lokal na sangay ng BFP. Sa katunayan, taon-taon itong ginagawa ng BFP at Meralco tuwing buwan ng Marso.

Matagal nang magkaagapay ang Meralco at ang BFP sa pagpapalaganap ng kaligtasan at kaalaman ukol sa pag-iwas sa sunog. Ang Meralco ay laging kaisa ng BFP at ng pamahalaan at makakaaasa silang magpapatuloy ang kompanya sa pagbibigay ng buong suporta sa mga programa at inisyatiba nitong naglalayong panatilihing ligtas ang mamamayan at komunidad.

467

Related posts

Leave a Comment