NGAYON pa lamang sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) na pinamumunuan ni Police General Camilo Pancratius Cascolan, ay inaatasan na ng Joint Task Force COVID Shield ang lahat ng police commanders na simulan ang pakikipag-ugnayan sa Local Government Units (LGUs) para sa pagbuo ng mga ipatutupad na protocols sa panahon ng paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Ayon kay Police Lieutenant General Guillermo Lorenzo Eleazar, commander ng JTF COVID Shield, mahalaga ang maagang paghahanda lalo na sa mga siyudad na may malalaking sementeryo para magkaroon ng sapat na panahon ang LGUs para mapaghandaan ang Undas protocol sa kanilang mga nasasakupan sa gitna ng banta ng coronavirus disease (COVID-19).
“We, in the Joint Task Force COVID Shield respect the Filipino tradition of honoring their departed loved ones.
But this should be done in a way that will not compromise the health safety of our kababayan,” ani PLt. Gen. Eleazar.
“That is why early preparation is necessary in order to give the LGUs, the local police and other concerned agencies an ample time to come up with the best plan that will serve as a middle ground between the effort of the government to protect the people from infection and respecting our Undas tradition,” dagdag pa ng opisyal.
Batid ni Eleazar na may ilang LGUs na ang nag-utos na pansamantalang isara ang mga sementeryo, memorial parks at columbaries simula October 31 hanggang November 3 para matiyak na hindi dadagsa at magsisiksikan ang mga tao sa panahon ng Undas.
Paliwanag pa ni Gen Eleazar, mahalagang makalikha agad ng Undas protocol para makapagplano rin ang mga tao na nais dalawin ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay at maiwasan ang pagsisiksikan sa mga pampubliko at pribadong sementeryo.
Sinabi pa ng opisyal na dapat tuloy-tuloy ang gagawing pakikipag-ugnayan ng mga local police commander sa mga LGU kaugnay sa pangangalaga at pagbibigay seguridad sa public and private cemeteries lalo sa mga araw na papalapit ang All Saints’ and All Souls’ Days para maiwasan ang mass gathering.
Inihayag ni PLt. Gen. Eleazar na nakipag-ugnayan na rin sila kay Secretary of Interior and Local Government Eduardo Año, Vice Chairman ng National Task Force on COVID-19, para sa kanilang mga posibleng rekomendasyon kung paano mas epektibong paiiralin ang minimum health safety standard protocol sa panahon ng Undas.
“On the part of the JTF COVID Shield, in coordination with the PNP and the LGUs, we assure that the minimum health safety standard protocol will be observed for the safety of our kababayan,” dagdag pa ni PLt. Gen. Eleazar.
Tiniyak din ng opisyal na susuportahan nila anoman ang desisyon ng mga LGU basta ang ipatutupad na protocols ay hindi salungat sa hakbang ng National Task Force on COVID-19 na pinamumunuan ni Secretary of National Defense Delfin Lorenzana. (JESSE KABEL)
