KAALITAN, NAPATAY NG KAGAWAD

CAVITE – Sumuko sa mga awtoridad ang isang barangay kagawad makaraang mapatay ang kanyang kaalitan nang pumutok ang baril habang pinag-aagawan nila sa Gen. Trias City noong Linggo ng hapon.

Isinugod sa Gen. Trias Doctors Medical Hospital ang biktimang si Isaac Yusores Carallas, 33, ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Sumuko naman sa mga awtoridad ang suspek na si Herminio Feranil, 43, ng Brgy. Buenavista 2, Gen. Trias City, isang incumbent barangay kagawad sa kanilang lugar.

Ayon sa ulat ni Corporal Ruelord Magbitang ng Gen. Trias City Police Station, dakong alas-12:30 noong Linggo ng hapon nang mangyari ang insidente sa Brgy. Buenavista 2 sa Gen. Trias City kung saan nagpambuno ang dalawa at sa pag-aagawan nila sa baril ay pumutok ito at tinamaan ang biktima.

Ang dalawa ay dati nang may alitan na nag-ugat nang atakehin ng biktima ang suspek habang armado ng baril.

Napag-alaman na ang biktima ay suspek sa pananaksak sa isang Marina Domingo dakong alas-5:45 ng hapon noong Agosto 28. (SIGFRED ADSUARA)

160

Related posts

Leave a Comment