MGA PAGKAIN PARA SA MALUSOG NA PUSO

Ni Ann Esternon

Sa tala, ang Pilipinas ay nangunguna sa Asya sa may pinakamataas na kaso ng mga sakit sa puso.

Sa Pilipinas, mga sakit sa puso rin ang nangunguna sa listahan kung bakit maraming namamatay, bagay na dapat pagtuunan ng pansin.

Lumalabas na marami sa mga kababayan natin ang walang disiplina kung kaya’t parami nang parami ang nagkakasakit sa puso at sa bandang huli ay umaasa na lamang sa tulong ng mga gamot at ng doktor.

Habang bata at hanggang may panahon pa, matuto tayong magkaroon ng disiplina sa ating mga kinakain upang ang ating katawan ay may laban sa anomang sakit.

Para sa ating gabay sa kalusugan, heto ang mga pagkain upang maiiwas tayo sa sakit sa puso at manatiling malusog:

– Palagiang isama ang mga herb sa mga lutuin sa halip na maglagay ng maraming asin o mantika. Mahusay ang herbs na pampalasa at pampagana at mainam ito sa puso. Ang herbs na ito ay pwedeng thyme, rosemary, oregano, o sage.

– Subukan din ang mild black beans na pwedeng ihalo sa anomang putahe. Mataas ito sa fiber upang labanan ang bad cholesterol at blood sugar levels. May antioxidant, folate din ang black beans.

– Sa tamang dami ng konsumo, uminom ng red wine para maging healthy ang puso dahil napoprotektahan nito ang artery wall. Nabu-boost din nito ang HDL o ang good cholesterol. Isang inom lamang ang kailangan nito kada araw para sa mga babae at dalawa para sa mga lalaki. Ngunit magpasuri muna sa doktor kung ligtas ito sa inyo kung may iniinom kayong gamot tulad ng aspirin at iba pang mga gamot.

– Kahit may kaunting kamahalan, malaking tulong sa puso ang pagkain ng salmon dahil mayaman ito sa Omega-3 na may healthy fats at nakatutulong para mabawasan ang peligro sa heart rhythm disorders. Kaya rin nitong mapababa ang blood pressure. Kung wala namang salmon, magandang option ang tuna, sardines, mackerel, o dilis.

– Sa halip na ibang mantika ang gamitin sa pagluluto, gumamit ng olive oil na may healthy fat, at antioxidants na pumuprutekta sa blood vessels. Napapababa nito ang cholesterol level kung ipapalit sa butter.

– Huwag ding kaligtaang kumain ng walnuts para mapababa ang cholesterol. Naiiwas tayo nito sa pamamaga ng ugat sa puso. Option din ang pagkain ng almond na mayroong plant sterols, fiber, at heart-healthy fats.

– Mura lamang ang kamote kaya’t magandang regular na kainin dahil sa mataas ito sa fiber, Vitamin A at lycopene.

251

Related posts

Leave a Comment