KAILANGANG UMAKSYON ANG EJM GLOBAL SA MINALTRATONG OFW

NAGPADALA ng sumbong at video ang ating kabayaning OFW na kasalukuyang nasa Khadara Najran Region, Saudi Arabia.

Ang nasabing OFW ay si Lyn Malad na naideploy ng EJM Global Manpower Corporation sa nasabing bansa.

Noong una siyang makarating sa Saudi Arabia ay nagtrabaho siya sa Riyadh sa kanyang employer na si Hatem Ahmed Mossed Zahrani.

Ngunit, nang matuklasan ng kanyang employer na hindi siya tunay na Muslim, taliwas sa inilagay na relihiyon ng kanyang ahensya sa kontrata nito ay ibinalik siya ng kanyang amo sa ahensyang Kawader Alkha Recruitment Office.

Inilipat naman siya ng kanyang ahensya sa ikalawang employer na si Saadan Mobarak Al-Mokskas ng Najran Region, Saudi Arabia.

Isinumbong ni Malad na sa loob ng isang taon at apat na buwang pagtatrabaho kay Saadan ay kanyang naranasan ang umano’y sobrang pahirap at sakripisyo, kabilang na rito ang kakulangan sa pagkain.

Isinumbong din ni Malad na wala siyang sariling tulugan, katunayan sa sahig lamang ito natutulog na nilalatagan niya ng kumot.

Araw-araw ay laging nababalot sa takot at pangamba si Malad dahil sa nararanasan nitong pananakot na papatayin umano siya ng kanyang among lalaki.
Naranasan na rin niyang hampasin ng kutsilyo.

Naranasan din niya sa kanyang amo na putulin umano ang kanyang buhok na gamit lamang ang kutsilyo matapos na siya ay pagbantaan umanong patayin.

Sa kanyang ipinadalang video, makikita ang lugar na kanyang tinitirhan at dito ay malinaw na nakikita na napakalayo ng kanyang kinakasadlakan.

Sa katunayan, makikita sa video na malapit na ito sa isang kabundukan na napapaligiran ng disyerto.

Lubhang nag-aalala si Malad dahil bukod sa pananakot at pag-aamba umano sa kanya ng kutsilyo, naranasan na rin niya ang tinutukan ng baril at minsan pa nga ay ikinasa umano ng kanyang amo ang hawak nitong baril.

Ang sumbong na ito ni Malad ay agad kong ­ipinarating sa Overseas ­Workers Welfare (OWWA) na mabilis na ipinarating sa OWWA Welfare Officer sa Jeddah, Saudi Arabia.

Sinubukan ng welfare officer na tawagan si Malad, ngunit hindi pa ito sumasagot.

Tinatawagan ng pansin ng AKOOFW ang EJM Global Manpower Corporation upang gumawa ito ng kaukulang aksyon at makipag-ugnayan sa kanilang partner na ahensya sa Saudi Arabia.

Ating tinatawagan din ang atensyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang imbestigahan ang ginawang pagpapalit ng relihiyon ni Malad sa kanyang kontrata para lamang ito maideploy sa Riyadh, Saudi Arabia.

320

Related posts

Leave a Comment