TIMBOG sa anti-illegal drug operatives ng Quezon City Police District (QCPD) ang mahigit sa kalahating kaban ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa Fernando Poe Jr. Avenue kahapon ng umaga.
Sa isinagawang imbentaryo, ilang saglit matapos ang operasyon, nabatid na tumimbang ng 25.5 kilo ng drogang shabu ang nakumpiska mula sa hindi pa tinukoy na suspek.
Ayon kay QCPD chief, Brigadier General Nicolas Torre III, malaking isda ang kanilang natisod sa naturang drug operation. Aniya, nakasilid sa mga teabag ang droga at ikinubli sa sako ng bigas.
Sa pagtataya ng pulisya, umabot sa P173.4 milyon ang kabuuang halaga ng kumpiskadong droga.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na malawak ang abot ng operasyon ng suspek na umamin umanong supplier sa Metro Manila at karatig na lalawigan ng ilegal na droga na mula pa sa ibang bansa. (LILY REYES)
245 