KALUNOS-LUNOS ANG SINAPIT NG MARIKENO KAY ULYSSES

Personal na nakita ng PUNA ang sinapit ng mga residente ng Brgy. Tumana, Marikina City mula sa nagdaaang Bagyong Ulysses.

Nadatnan ng grupo ng Peryodiko Filipino Incorporated (PFI/SAKSINGAYON) na nagdala ng ayuda para ipamigay sa mga residente ng Patalo at Palay Sts., Brgy. Tumana ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na abala sa paglilinis ng sobrang daming mga basura na dulot ng nagdaang bagyo.

Ang binabanggit po nating kalat na napakarami ay hindi ordinaryong basura kundi mula sa mga kagamitan ng mga residente sa lugar na sinira ng Bagyong ­Ulysses.

Ito ang nagpapatunanay na kalunos-kalunos ang sinapit ng mga barangay sa Marikina City na nasa tabi lamang ng Marikina River.

Kung dati ay puno ang kanilang bahay ng mga kagamitan ngayon ay mistulang kakalog-kalog ito dahil ang lahat ay sinira ng tubig baha na dulot ng nagdaang bagyo.

Hindi naisalba ng mga residente ang kanilang mga kagamitan dahil ilang saglit ay agad nang umapaw ang ilog Marikina.

Sabi ng ilang mga residente na nakausap ng PUNA, ang matagal nilang ipinundar ay isang iglap lang sinira ng Bagyong Ulysses.

Para po sa kaalaman ng tagasubaybay ng PUNA karamihan po sa mga nakatira sa Brgy. Tumana ay mga ordinaryong mga residente lamang po.

Kaya nga laking pasasalamat nila sa mga taga-SAKSINGAYON na dumating sa area para mamigay ng ayuda.

Bukod sa SAKSINGAYON may isang grupo din ang namigay ng relief goods sa nasabing mga residente.

Kahit papaano sa maliit na paraan ang SAKSINGAYON at isang grupo na namigay ng tulong sa mga taga-Brgy. Tumana ay ­nakapagbigay ng inspirasyon sa mga residente na may pagasa silang umahon sa kanilang kinakaharap na suliranin na iniwan ni Ulysses.

Ang mga Pinoy ay matibay sa pagharap sa mga problemang dumarating dahil sanay na tayo sa kahirapan. Kung dadating man ang kasaganaan o kaunlaran ay itinuturing natin ito na isang napakalaking blessing mula sa ating Panginoon.

Sa panayam kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, pinapayagan niyang idirekta na ang pamimigay ng tulong sa mga apektadong residente dahil marami daw sa kanila ay wala sa mga evacuation center.

Ayon pa kay Mayor Marcy umaabot ng 50,000 katao ang naapektuhang residente ng Marikina City nang nagdaan Bagyong Ulysses.

Nasa 10,000 katao lang ang mga nasa 49 evacuation centers ng siyudad.

Sabi pa niya na ang siyudad ay nasa ilalim ng economic ­recovery, kailangan din ang flood control at Marikina River dredging.

Kailangan din anya na ayusin ang Wawa Dam para hindi na dumidiresto ang tubig baha sa Marikina River na nakakaperwisyo sa kanilang mga residente.

“Kung sama-sama tayo, tulong-tulong lalaban tayo, kaya natin ‘to mga Pilipino tayo”, ang punong-puno ng pag-asang pananaw ni Mayor Marcy.

Bagamat hindi natin napuntahan ang iba pang lugar na binayo ng Bagyong Ulysses tulad ng Catanduanes, Bicol, Calabarzon, Rizal, Cagayan, Isabela at iba pang lugar sa bansa ay nakikisimpatiya po tayo sa kanilang sinapit.

Sa pamamagitan ng ­ating kolum ay maaari po tayong ­makatulong sa kanila sa pagpaparating sa kanilang karaingan sa mga kinauukulan at maging sa may mga ginintuang Puso na maaaring makatulong sa kanila.

Tulad ng sinabi ni Mayor ­Marcy kung tayo ay magtulong-tulong kaya natin ‘to.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

182

Related posts

Leave a Comment