(BERNARD TAGUINOD)
MISTULANG nakakuha ng kakampi si Supreme Court (SC) Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen matapos hindi aksyunan ni House Speaker Lord Allan Velasco ang impeachment complaint na inihain ni FLAG Secretary General Ed Cordevilla laban sa una.
Kahapon ay nag-adjourn ang Kamara para sa 7 linggong bakasyon bilang pagbibigay-daan sa Semana Santa subalit hindi inendorso ni Velasco ang impeachment complaint laban kay Leonen sa House committee on justice kaya mistulang aamagin na ito dahil sa kawalan ng kaukulang aksyon.
Magugunita na inihain ni Cordevilla ang impeachment complaint laban kay Leonen noong Disyembre 7, 2020 at agad naman inendorso ni Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba ang verified impeachment complaint sa nabanggit ding araw.
Kasong culpable violation of the constitution at betrayal of public trust ang isinampa ni Cordevilla laban kay Leonen na kapag umakyat sa Senado na magsisilbing Impeachment Court at mapatunayang guilty ay matatanggal ito sa kanyang puwesto.
Base sa Impeachment Rules ng Kamara, kailangang aksyunan ng Office of the Speaker ang impeachment complaint sa loob ng 10 session days mula nang iendorso ito ng sinomang miyembro ng Kapulungan.
Ang Kongreso ay nagsasagawa ng 3 session kada linggo kaya noong Pebrero 22, 2021 ay inurirat ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor kung ano na ang estado ng impeachment complaint na inendorso ni Rep. Barba.
“Gusto ko lang malaman Mr. Speaker, not only for myself but for Honorable Barba, what is the status of the Impeachment case filed before the House of Representatives,” ani Defensor.
Naniniwala ang mambabatas na lagpas na sa 10 session days na itinatadhana ng Rules of Impeachment ng Kamara para iendorso ng tanggapan ni Velasco sa nasabing komite ang kaso.
Subalit, sa paliwanag ni House senior deputy majority leader Jesus Crispin “Boying” Remulla kay Defensor, bihirang mag-adjourned ang Kongreso sa kanilang session kaya noong Pebrero 22 ay naka-tatlong session days pa lamang ang mga ito mula noong December 7, 2020.
Mula Pebrero 22, 2020 ay nakagugol pa ang Kamara ng tatlong linggong session o katumbas ng 11 session days (dahil sinuspinde ang session noong Marso 23 at 24) subalit hindi pa rin inendorso ni Velasco ang reklamo sa Justice committee.
Tila wala naman si Velasco sa huling session ng Kamara kahapon dahil hindi ito nagbigay ng adjournment speech na karaniwang ginagawa ng Speaker kapag nagbabakasyon ang Kongreso.
336
