“HINDI pa pwedeng tanggapin talo, dahil mayroon pang remedyo!”
Ito ang pahayag ni ML party-list Rep. Leila de Lima sa ambush interview kahapon matapos sabihin ni Acting Davao City Mayor Baste Duterte na talo na ang mga nagsusulong ng impeachment laban sa kapatid na si Vice Pres. Sara Duterte.
Ang pahayag ni Mayor Baste ay kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment case na isinampa laban sa kanyang kapatid dahil sa one-year bar rule kaya dapat na itong tanggapin ng mga nagsusulong sa nasabing kaso.
Subalit ayon kay De Lima, maghahain ang Kamara ng motion for reconsideration (MR) sa mga susunod na araw kaya may pag-asa pa aniya na mabaliktad ang desisyon ng mga mahistrado kaya hindi pa pwedeng tanggapin na talo na ang mga ito.
Kahapon ay pormal nang inihain ng Kamara sa pamamagitan ng Office of Solicitor General ang MR sa desisyon ng SC na ayon kay House Speaker Martin Romualdez ay hindi dahil sa hindi pagrespeto sa Kataas-taasang Hukuman.
“The House of Representatives shall have the exclusive power to initiate all cases of impeachment.”
That power is not shared. Not subject to pre-approval. And not conditional,” ayon sa video message ni Romualdez kahapon.
“Umaasa pa po kami na sa pag-file ng motion for reconsideration ng House of Representatives, we’re still hoping na magkakaroon ng examination especially on material and crucial facts na medyo mali ang pagkakaintindi ng Korte Suprema,” ani De Lima.
Dahil dito, umapela rin ang mambabatas sa mga Senador na ipagpaliban muna ang kanilang botohan na tanggapin ang SC decision dahil hindi pa nawawalan ng pag-asa ang mga ito na itama ng SC ang kanilang ruling.
Unang isiniwalat sa Senado na 20 Senators ang tatanggap sa SC decision habang 4 lamang umano ang kokontra kaya ngayon pa lamang ay nakakuha na ang mga ito ng suporta sa militanteng grupo.
“We, the Makabayan bloc in Congress, strongly support the initiative of at least four senators who are calling on their fellow senators not to dismiss the impeachment complaint against Vice President Sara Duterte,” ani ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio bagaman hindi pa pinangalanan ang apat na senador.
Nababahala rin ang kongresista na sa pagmamadali ng Senado na idismiss ang impeachment case laban kay Duterte ay lalong mahirap panagutin ang corrupt officials sa bansa at lalong lalala ang katiwalian.
“Ang mensaheng naipapadala nito ay simple: pwedeng makalusot ang mga corrupt na opisyal sa pamamagitan ng technicalities at political maneuvering,” ani Tinio.
(BERNARD TAGUINOD)
