NAKAKITA na ng dalawang batayan ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang House committee on good government and public accountability na nag-iimbestiga kung paano ginamit ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ito ang kinumpirma ni Manila Rep. Joel Chua, chair ng nasabing komite, sa mga mamamahayag sa Kamara kahapon subalit nilinaw na bibigyan ng pagkakataon si Duterte na patunayan na hindi nilustay ang kanyang pondo.
“Well, in the first place, ginawa naman po ito not for the purpose of impeaching her. Ang purpose naman po rito ay in aid of legislation,” pahayag ng mambabatas.
Ayon sa mambabatas, nakakita na ng dalawang ground of impeachment ang komite na kinabibilangan ng ‘graft and corrupt’ at ‘betrayal of public trust’ dahil sa mga natuklasang katiwalian sa paggamit ng confidential and intelligence funds (CIF) ni Duterte.
Inihalimbawa ni Chua ang P125 million CIF na nagastos ng OVP sa loob lamang ng 11 araw noong 2022 kung saan P73 million dito ay inisyuhan ng Notice of Disallowance (ND) ng Commission on Audit (COA).
Bukod dito ang P16 million na ginamit umano ng OVP sa pagbabayad ng mga renta ng 34 safe houses sa loob ng 11 araw kung saan nagkakahalaga umano ito ng P250,000 hanggang P1 milyon kada araw. (BERNARD TAGUINOD)
137