(BERNARD TAGUINOD)
DAHIL sa kapalpakan at pagiging pabaya umano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., tuluyang nawala ang tiwala sa kanila ng mamamayan kaya ibinibigay na ang donasyon sa non-government organizations (NGOs) para sa mga biktima ng Bagyong Kristine.
Obserbasyon ito ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel matapos idaan ng ilang donors ang kanilang donasyon sa Angat Buhay na pinamumunuan ni dating vice president Leni Robredo imbes na diretso sa gobyerno.
“Mismong government official ay piniling magtiwala sa NGO c/o VP Leni kaysa lubos na ipaubaya sa government agencies ang donations. Ganito kapalpak at pabaya ang Marcos Jr. admin,” ani Manuel.
Ginawa ni Manuel ang pahayag matapos mag-donate ng bigas si administration congressman Erwin Tulfo, ng ACT-CIS, na idaan kay Robredo para sa mga biktima ng bagyo sa Naga City.
Marami ring pribadong grupo ang nangangalap ng donasyon ang nakakakuha ng hindi matatawarang suporta mula sa publiko na indikasyon na walang tiwala ang publiko sa gobyernong Marcos Jr.
Samantala, umapela naman si House Assistant Minority Leader Gabriel Bordado Jr., ng karagdagang tulong sa mga Pilipino dahil sa lawak ng pinsala na iniwan ng bagyong Kristine sa Bicol Region.
“Our people are in desperate need of assistance. This is the worst flooding our region has faced since 1993. Communities across Camarines Sur are struggling to recover, with so many areas still submerged and out of reach due to a lack of amphibious vehicles,” ani Bordado.
Sinabi ng mambabatas na hindi lamang pagkain ang kailangan ng mga tao kundi kailangang matulungan din ang mga ito na maitayo ang kanilang mga bahay na sinira ng bagyong Kristine kaya nangangailangan ang mga ito ng karagdagang tulong.
92