INARESTO ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Amerikanong pugante sa maraming kasong sekswal, kabilang ang rape at mga krimen laban sa menor de edad, sa isinagawang enforcement operation sa Lucena City, Quezon Province.
Sinabi ni BI FSU Chief Rendel Ryan Sy, isinagawa ang pag-aresto noong Enero 28 sa Barangay Mayao, Lucena City, katuwang ang Lucena City Police, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Quezon Police Provincial Office, at iba pang ahensiya ng gobyerno sa intelligence operations.
Ang naaresto ay isang 56-anyos na Amerikanong lalaki na kinilalang si “Jan”, na itinuturing na undesirable at overstaying alien, at isang pugante sa hustisya batay sa opisyal na komunikasyon mula sa pamahalaan ng Estados Unidos.
Si “Jan” ay may nakabinbing arrest warrant na inisyu ng Superior Court of Washington para sa King County noong 2024, kaugnay ng mga kasong Rape in the Second Degree at Rape of a Child in the Third Degree sa ilalim ng Revised Code of Washington, bukod sa iba pang kaso.
Binawi rin ng U.S. Department of State ang pasaporte nito dahilan upang ituring na undocumented alien.
Batay sa paunang beripikasyon, huling pumasok sa Pilipinas si “Jan” noong 2023 at nabigong mag-extend ng kanyang visa, kaya’t siya ay itinuring na overstaying alien. Lumabas din sa mga rekord na may umiiral siyang Blacklist at Watchlist Orders dahil sa pagiging undocumented at undesirable alien.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na pinatutunayan ng pag-arestong ito ang matibay na paninindigan ng BI sa kanilang #ShieldKids campaign na naglalayong protektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso, pagsasamantala, at mga krimeng sekswal na ginagawa ng mga dayuhang mamamayan.
“Malinaw ang mensahe ng Pangulo: hindi magiging taguan ang Pilipinas ng mga mandaragit at pugante,” ani Viado. “Sa pamamagitan ng aming #ShieldKids campaign, pinaigting namin ang aming aksyon laban sa mga dayuhang nagdudulot ng banta sa ating mga bata at komunidad. Ang mga umaabuso sa ating mabuting pagtanggap ay matutunton, aarestuhin, at ipatatapon.”
Sinabi ng BI na mananatili ang suspek sa BI Warden’s Facility habang hinihintay ang isasagawang deportation proceedings.
(JOCELYN DOMENDEN)
2
