LALONG gumugulo ang usapin kung aalisin o ipagpapatuloy ang polisiya sa paggamit ng face shield sa labas ng mga tahanan.
Ito ay dahil sa magkakaibang posisyon mula sa national government hanggang sa mga lokal na pamahalaan.
Para kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, mas gugustuhin pa niyang sundin ang posisyon ni
Department of Interior and Local Government Secretary (DILG) Eduardo Año na tuluyan nang ibasura ang polisiya ng sapilitang pagsusuot ng face shield kahit walang approval o pagsang-ayon mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Ang katuwiran ni Abalos, siya at ang lahat ng alkalde ay direktang nasa ilalim ng superbisyon ni Año, na suportado naman ang posisyon ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na bawiin ang “mandatory wearing of face shield policy” sa Maynila kahit walang go signal mula sa IATF.
“Pero kung talagang gusto igiit… siguro kung ako’y mayor, susundin ko rin si Secretary Año because we’re directly under him,” ayon kay Abalos.
Ang reaksyon na ito ni Abalos ay matapos ituring ni Presidential spokesman Harry Roque bilang “null and void” ang hakbang ni Domagoso, na naisapinal na sa pamamagitan ng isang executive order, na malinaw naman na paglabag sa umiiral na executive policy na ipinag-utos ng Pangulo.
Subalit biglang bawi naman si Abalos sa kanyang naging pahayag at sinabi na makabubuti kung hihintayin na lamang ng Metro mayors ang go signal ng IATF upang maiwasan ang pagkalito.
Kampi sa mayors
Nakakuha naman ng suporta ang Metro Manila mayors sa kanilang mungkahi na tuluyan nang alisin ang face shield bilang isa sa mga health protocol dahil wala umanong ebidensya na nakatutulong ito para maiwasang mahawa sa COVID-19.
Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, panahon na para tanggalin ang face shield dahil wala umano itong silbi at dagdag gastos lamang sa mamamayan.
“There are still no solid medical and scientific proof that face shields are effective deterrents to the spread of the deadly COVID-19,” ayon sa lider ng mababang kapulungan.
Ilang buwan na ang nakararaan nang sumulat si Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte para tuluyang alisin sa health protocols ang pagsusuot ng face shield subalit tinabla ito ng Inter-Agency Task Force (IATF).
“The cost of a face shield of about P20 to P50 is already a substantial amount equivalent to the cost of a meal for our indigent population, and mandatory requirement of the same takes away money for food from these families,”ani Velasco.
Bukod dito, dagdag problema aniya sa kapaligiran ang face shield na gawa sa plastic na hindi agad natutunaw at napupunta kung saan-saan lalo na sa mga ilog at dagat. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
173 