HINDI na bago ang naging palusot sa hindi pagdalo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado kaugnay ng maanomalyang transaksyong kumakaladkad sa pangalan ni dating Presidential Economic Adviser Michael Yang at sa corporate executives sa likod ng kumpanyang pinaniniwalaang nagkamal nang husto sa kontratang iginawad ng gobyerno.
Katwiran ng abogado ni Yang – altapresyon. Alibi naman ng Pharmally Pharmaceutical Company na kinakatawan ng direktor nitong si Lincoln Ong, may COVID siya.
Sa puntong ito, walang nagawa ang Senado kaya naman ipinagpaliban muli ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng sumambulat na bulilyaso.
Bagama’t nilinaw ng Senado na mananatili ang mandamyento de aresto laban sa dalawa bunsod ng hindi nila pagsipot sa paanyaya ng Mataas na Kapulungan, asahan na ang mas exciting na eksena sa paglutang nila habang sakay naman sa walang kupas na wheelchair na ginamit ng iba pang mga opisyal na iginisa sa Senado sa mga nakalipas na panahon.
Ang siste, ang estilong bulok tila may bisa pa rin. Kasi naman, hindi lang minsan nilang inindyan ang Kongreso.
Bakit nga naman hindi sila iiwas gayong mismong ang big boss ng Pharmally ay aminadong walang pondo ang kumpanyang itinayo at ginamit sa panggogoyo.
Pag-amin pa ni Huang Tzu Yen na presidente ng kumpanyang bagito, wala silang pondo nang igawad sa kanila ng noo’y Budget Undersecretary Christopher Lloyd Lao ang kontratang nagkakahalaga ng tumataginting na P8.5 bilyon para sa medical supplies na dapat sana’y para sa medical frontliners na direktang sumasagupa sa nakamamatay na sakit na gawa rin ng mga Tsino.
Ang siste, overpriced na nga, dispalinghado pa.
Kaya naman hangad ng Senado, pigain sina Yang, Huang at Lao sa pag-asang kakanta sa tamang tono. At para tiyaking ‘di sila makalalayo, bundol pa ng isang mambabatas, isang Hold Departure Order laban sa mga sangkot sa kontrobersya.
Pansamantala, marapat sigurong ikonsidera ang suhestiyon ng isang masugid na mambabasa ng aming peryodiko. Aniya, dalhin sina Yang at Huang sa isang isolation facility kundi man sa pagamutang publiko kasama ng iba pang positibo. Dangan naman kasi ang palusot nila, may sakit sila.
Sabi nga nila – Ibigay ang hilig!
