KAPAG ANG IDOL AY HINDI NA SENTRO NG MUNDO MO

GEN Z ni LEA BAJASAN

KAMAKAILAN, madalas kong makita sa X ang mga post tungkol sa pagkawala ng “sigla” o “kilig” para sa mga idol o artistang nagugustuhan nila. Sinasabi ng iba na normal lang ito, na isa itong senyales ng pagtanda, at may mas maraming bagay na kailangan nating pagtuunan ng pansin. Sa totoo lang, totoo naman. Darating talaga ang panahon na ang dating excitement sa tuwing may bagong palabas ang paborito mong artista, ay unti-unting humuhupa.

Matagal na akong fan ng K-pop groups, lalo na ng Girls’ Generation. Malaki ang parte nila sa kabataan ko. Naalala ko pa ang pagpupuyat para sa bagong music video, pagmememorya ng sayaw, at pagsali sa mga fan project. Masaya at nakakaaliw ang mga panahong iyon. Pero habang tumatagal, napansin kong nagbabago ako. Minsan todo-fangirl ako, tapos may mga oras na nawawalan ako ng gana.

Noong una, may guilt akong nararamdaman. Parang tinatraydor ko ang sarili kong hilig. Pero kalaunan, naintindihan ko na okay lang pala. Hindi naman humihinto ang buhay. Natutunan kong dapat palaging ako at ang sarili kong buhay ang nasa unahan ng listahan ng mga dapat kong unahin. Ang pagiging fan ay isang bagay na nagbibigay ng saya, pero hindi ito dapat maging sentro ng pagkatao ko.

Ang fangirling noon ay naging comfort zone ko. Dito ako kumukuha ng saya kapag mabigat ang aking pakiramdam. Pero natutunan ko rin ang masakit na katotohanan na kahit gaano ko sila kamahal, hindi naman nila ako matutulungan sa totoong buhay. Sa huli, ako pa rin ang haharap sa reyalidad.

May mga taong ginagawa nang buong pagkatao nila ang pagiging fan. Minsan, nakalilimutan na nila ang mga responsibilidad at ang mga tao sa paligid nila. Madali kasing makulong sa mundong puno ng pantasya, lalo na kung gusto mong takasan ang mga problema. Pero kapag nawala na ang saya, kapag unti-unti nang kumukupas ang kilig, ikaw lang din ang maiiwan. At maaari mong maramdaman ang kawalan ng laman sa loob mo kung itinayo mo ang buong pagkatao mo sa isang bagay na hindi ka naman talaga nakikilala pabalik.

Pero naiintindihan ko rin ang kabilang panig. Hindi naman masama ang magmahal o humanga sa isang artista o idol. Isa itong libangan, at bahagi ng buhay ang pagkakaroon ng mga bagay na nagpapasaya sa atin. Kung nakapagpapasaya sa ‘yo ang pakikinig ng kanta, panonood ng performance, o pagdalo sa mga fan event, ituloy mo lang. Walang mali roon. Nagkakaproblema lang kapag iyon na ang bumubuo sa buong mundo mo.

Nagbabago ang tao, pati na rin ang kanyang nararamdaman. Ang mga bagay na nagpapasaya sa atin noon ay maaaring hindi na ganoon kasaya ngayon. Bahagi ito ng paglaki. Dati, araw-araw akong nakikinig ng K-pop, pero nag-iba na rin ang mga gusto ko. Pero hindi ibig sabihin nito na nawala na ang paghanga ko. Hanggang ngayon, humahanga pa rin ako sa mga artistang pinanood ko noon at bilib pa rin ako sa talento nila.

Ang pagkawala ng sigla para sa iyong idol ay hindi nangangahulugang tumigil ka nang magmahal. Ibig sabihin lang nito ay lumalawak na ang pananaw mo sa buhay. At minsan, iyon ang pinakamagandang uri ng paglago na maaari mong maranasan.

59

Related posts

Leave a Comment