ISINISI ng isang network ng digital advocates sa mga kapalpakan ng kumpanyang itinatag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang pagkabigo ng Pilipinas na umusbong bilang isang regional data center hub.
Ayon kay Digital Pinoys national campaigner Ronald Gustilo, nabigo ang Solar Philippines na tuparin ang halos 12 gigawatts ng ipinangako nitong renewable energy capacity mula sa power projects na nakuha nito.
Dahil sa kabiguan ng kumpanya na tuparin ang pangako nito sa Department of Energy (DOE), sinabi ni Gustilo na nararamdaman na ng sambayanang Pilipino ang epekto dahil sa nawalang mga oportunidad sa ekonomiya at trabaho. Dahil dito, humaharap ngayon ang Solar Philippines sa bilyun-bilyong pisong multa bunga ng mga kontratang winakasan.
“This was not just an energy project failure. This was a lost national opportunity. The Philippines failed to build data centers, AI infrastructure, and a strong digital economy because electricity that was promised was never delivered,” wika ni Gustilo.
Iginiit ni Gustilo na nakasuporta sana ang hindi natupad na 12 gigawatts sa mahigit isang daang hyperscale data centers at nakaakit ng higit USD 100 bilyon na potensyal na dayuhang pamumuhunan.
Dahil sa kabiguang ito, dinala ng international technology firm ang kanilang operasyon sa mga karatig-bansa kung saan ang mga pangako sa suplay ng kuryente ay aktwal na natupad.
“Data center investors don’t listen to projections or press releases. They look at delivered power. When projects of this scale fail, investors don’t wait. They leave—and they may never come back,” wika pa ni Gustilo.
Labis ding nakasira ang hindi paghahatid ng ipinangakong power capacity sa hangarin ng bansa na maging host ng cloud computing at artificial intelligence services.
“Non-performance at this scale costs the country industries, jobs, and digital sovereignty. We lost a golden opportunity to compete at the ASEAN level—not because of a lack of vision, but because a company failed to deliver the contracts it won,” ani Gustilo.
Nauna nang kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na iniimbestigahan ng gobyerno si Leviste kaugnay ng umano’y pagbebenta ng mega-franchise na ipinagkaloob sa Solar Philippines nang walang kinakailangang pag-apruba ng Kongreso.
“Marami siyang ibang problema. Iyong prangkisa niya, iniimbestigahan na ngayon, iyong violation of franchise. Kasi dapat iyan iyong franchise ay hindi mo ninenegosyo. Batang bata ka, ninenegosyo mo iyong franchise,” ani Remulla.
Noong 2023, naging laman ng balita si Leviste nang ibenta niya ang 14.6 bilyong shares ng kanyang kumpanya sa Meralco PowerGen Corporation (MGen) sa halagang humigit-kumulang P18.26 bilyon. (EG)
18
