DAPAT palakasin ang kapangyarihan ng Commission on Audit sa paglalantad ng mga anomalya sa gobyerno, lalo na sa pagbili ng mga serbisyo at kagamitan ng Information Technology.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Alan Peter Cayetano sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa sinasabing overpriced at outdated laptops para sa mga guro.
Ipinaliwanag ni Cayetano na simpleng kaso pa lamang ang procurement ng laptops na mas magiging kumplikado at mahirap nang bantayan kung mayroon nang services at software.
Ito ay dahil hindi na anya magiging standard ang presyo bunsod ng iba’t ibang software na ilalagay sa laptop.
Iginiit ni Cayetano na dapat magkaroon ng katuwang ang COA na mga non-governmental organization na IT experts upang maiwasang maging bagong ‘fertilizer fund’ scam ang IT equipment at services.
Nangako naman ang senador na magsusulong ng iba’t ibang reporma sa mga batas sa sandaling matapos nila ang pagsisiyasat sa sinasabing iregularidad. (DANG SAMSON-GARCIA)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)