MARAMI sa mga ina ng tahanan ang kumakapit sa patalim dahil sa kahirapan na dulot ng pandemya ng COVID-19 na halos dalawang taon nang nananalasa sa bansa.
Batay sa natanggap na impormasyon ng PUNA, may mga magulang ang napipilitang makipag-chat sa mga dayuhang lalaki sa ibang bansa para lang magkaroon ng pera.
Siyempre, hindi lang ordinary ang pakikipag-usap ng ina ng tahanan sa mga dayuhang lalaki kundi pumapasok na rin sa kalaswaan na kaganapan.
Hindi papayag ang dayuhang lalaki na magbigay ng pera sa babaeng Pinay na ka-chat niya kung wala siyang napapala.
Ayon pa sa ating source, madali raw malalaman na may ka-chat na dayuhan ang isang ina ng tahanan dahil sa may internet connection ito.
Mapapansin din na sa kabila na wala silang hanapbuhay ay mayroon silang panggastos ng kanilang pang-araw araw na pangangailan.
Ang nakababahala lang ngayon baka humantong na ang kanyang anak na ang isunod na ibugaw ng kanilang ina sa dayuhan na ka-chat niya.
Dahil na rin siguro na walang pinagkakaabalahan at trabaho ang mga tao kaya nakagagawa sila ng hindi kanais-nais para lang magkaroon ng pagkakakitaan.
‘Yan naman ang pinangangambahan ng grupong Child Rights Network (CRN), may mga natatanggap kasi silang pangyayaring ganito na nagsisimula sa ina hanggang sa humahantong sa mga anak.
Ang nangyayari tuloy, mismong ang ina ang nagbubugaw sa kanilang mga anak para sa mga dayuhang lalaki.
Dahilan ng mga inang gumagawa nito ay hindi naman daw kasi sapat ang kanilang tinatanggap na ayuda mula sa gobyerno.
May dahilan ang mga ina, kaya lang pwede naman sila kumita nang hindi sa pamamagitan ng masamang paraan.
Ang problema nga lang ay nadadamay ang kanilang mga anak na menor de edad na walang kamuwang-muwang.
Hindi lang sa mga bata kundi pati mismo ang pamilyang Pilipino ay apektado sa ganitong gawain.
Siyempre, hindi papayag ang ama ng tahanan na patuloy na makikipag-chat ang kanyang asawang babae sa dayuhang lalaki dahil hahantong ito sa pagkawasak ng kanilang pamilya.
Sa ngayon, marami na ang gumagawa nito, subalit hindi lang nabubulgar dahil ang ginagawang pakikipag-chat ng mga inang Pinay sa dayuhang lalaki ay sa dis-oras ng gabi kung kailan ay tulog na ang mga tao.
Ang kaganapang ito ay hindi dapat balewalain ng gobyerno, kaya dapat kumilos ang mga awtoridad at sana tulungan nila ang mga inang nasasadlak sa ganitong gawain.
Sa kanila na mismo nanggaling na kaya sila napipilitang makipag-chat sa dayuhang lalaki dahil sa kahirapan sa buhay.
Ika nga nila, kumakapit sila sa patalim para mabuhay nila ang kanilang mga anak ngayong panahon ng pandemya.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.
383 