TINAWAG ni Senador Grace Poe pang-iinsulto ang paglalaan ng Department of Transportation (DOTr) ng P1 milyong pondo para sa road sector habang napakalaking pondo sa railway sector sa 2022.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, pinuna ni Poe ang paglalaan ng P110 bilyon para sa railway sector.
“It is quite shocking that rail will be getting P110 billion tapos sa road, ‘yung budget niyo is P1 million. Parang nakakainsulto ata ‘yun ah,” saad ni Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services.
“Alam naman natin na road is important. ‘Yan ang main thoroughfare natin ngayon pero nilalagay niyo lahat sa rail. Nawalan naman ng pondo ‘yung inyong other areas of concern,” dagdag ng senador.
Ipinaliwanag naman ng DOTr na humiling sa Department of Budget and Management na laanan ng P15 bilyon ang road sector subalit P1 milyon lang ang inaprubahan.
“Mayroon kaming mga hiningi na budget sa lahat ng sector. Sa road sector, maritime, at aviation, meron. Ang ginawa po ng DBM, inalis po ‘yun kaya ang budget sa road ay naging P1 million lang for reasons they only know. We tried to have dialogues with them,” paliwanag ni DOTr Secretary Arthur Tugade.
“Akalain mo naman, isang milyon lang sa road sector? Nandyan ang service contracting, bike lane, ang libreng sakay,” giit pa ni Tugade.
Aminado naman si DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan na kailangan ng mataas na pondo para sa railways upang maisaayos na ang transportasyon.
Binigyang-diin ni Poe na dapat ilipat sa iba pang transportation sector ang ibang pondo sa railway sector. (DANG SAMSON-GARCIA)
199 