LALONG nakaladkad ang tanggapan ni Quezon City 2nd District Rep. Precious Hipolito-Castelo sa umano’y anomalya sa pagpapatupad ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) nang dumagsa ang reklamo mula sa kanyang mga kadistrito.
Ang TUPAD ay programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pakikipagtulungan ng tanggapan ni Castelo.
Sa pagsisimula ng imbestigasyon ng DOLE kahapon, lumutang ang may limampung benepisyaryo ng programa na mula sa Barangay Holy Spirit at nagbigay ng salaysay hinggil sa pagkaltas umano ng coordinator ni Castelo sa halagang kanilang dapat natatanggap.
Isang empleyado ng nasabing barangay ang nagsabing P2,000 lamang ang ibinigay sa kanya ng coordinator ng mambabatas sa halip na P7,500 bilang benepisyo sa naturang programa ng DOLE.
Inilarawan naman ni Brgy. Capt. Chito Valmocina na karima-rimarim ang sumingaw na iregularidad lalo pa’t nasa gitna ng pandemya ang bansa.
Kasabay nito, nilinaw ni Valmocina na walang kinalaman ang kanilang barangay sa anomalya na ayon sa kanya ay kinasasangkutan ng tinatayang P100 milyon mula nang magsimula ang programa noong 2015.
Sa panayam ng SAKSI Ngayon kay Valmocina, nagbigay na aniya ng kanilang notaryadong statement ang 120 niyang kabarangay bilang patunay sa kanilang akusasyon.
Sa statement aniya ng 15 sa 200 kataong benepisyaryo ng TUPAD program, noong 2015 inalok sila ng coordinator ni Castelo na nakilalang si Margie Baron ng isang libong piso nang hindi sila magtatrabaho. Ito’y sa kabila na P14,500 umano ang nakatala sa DOLE.
Nagpatuloy ang gayung kalakaran hanggang 2019 na isang libo lang ang kanilang natatanggap, ayon sa 15 benepisyaryo.
Ngayong 2021 bagaman nasa gitna ng COVID-19 pandemic ay muli itong ginawa ni Baron kasama ang isang Sally Buena na tauhan din umano ni Castelo.
Ani Valmocina, kung maipamimigay sana nang tama sa mga residente ng Brgy. Holy Spirit ang benepisyo ay nasa walong libo katao pa ang mabibiyayaan nito.
Kaugnay nito, nagpasalamat si Valmocina dahil pumasok ang DOLE, anti-graft commission, National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensiya ng gobyerno para mag-imbestiga at makunan ng statement ang mga taga-Brgy. Holy Spirit.
Nauna nang sinuspinde ng DOLE ang pagpapatupad ng programa sa ikalawang distrito ng lungsod nang magreklamo ang mga benepisyaryo.
Binigyang-diin ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, layunin ng programa na maayudahan ang mga naapektuhan ng pandemya ng COVID-19 ngunit kinailangan nila itong pansamantalang itigil upang bigyang daan ang imbestigasyon.
Aabot aniya sa P59 milyon ang nakalaan para sa mga benepisyaryo ng programa sa naturang distrito. (JOEL O. AMONGO)
