IBINASURA ng Court of Appeals (CA) ang kasong perjury laban kay Dominican exorcist Winston Cabading kaugnay ng kontrobersiya sa mga diumano’y pagpapakita ng Birheng Maria sa Lipa, Batangas.
Sa 37-pahinang desisyon na inilabas noong Enero 26, pinaboran ng appellate court ang petisyon ni Cabading para sa certiorari, dahilan upang pawalang-bisa ang kasong perjury at maglabas ng permanent injunction laban sa pagpapatupad ng mga naunang kautusan ng Quezon City RTC Branch 96 na naghatol sa kanya ng guilty.
Nag-ugat ang kaso sa isang Facebook livestream noong Mayo 2022 kung saan tinalakay ni Cabading ang 1948 Lipa Apparition at muling iginiit ang opisyal na posisyon ng Simbahang Katolika na ang naturang pangyayari ay “hindi mula sa supernatural na pinagmulan.”
Dahil dito, naghain ng reklamo si dating Sandiganbayan Associate Justice Harriet Demetriou, isang deboto ng Our Lady, Mediatrix of All Grace, para sa paglabag sa religious feelings sa ilalim ng Article 133 ng Revised Penal Code. Bagama’t ibinasura kalaunan ang kasong ito, nauwi naman ito sa alegasyon ng perjury.
Ang perjury case ay nakabatay sa mga dokumentong isinumite ni Cabading kung saan iginiit niya ang pag-iral ng Papal Decree noong 1951 na inaprubahan ni Pope Pius XII. Ayon kay Demetriou, gumawa umano si Cabading ng sinasadya at malinaw na maling pahayag at iginiit na “hindi umiiral” ang naturang decree.
Tinabla ng CA ang argumentong ito. Ayon sa mga rekord, nagsumite si Cabading ng certified true copy ng 1951 Decree sa tanggapan ng piskal at sa trial court noong Abril 15, 2024, matapos itong matanggap mula sa Vatican sa pamamagitan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
“Ang katotohanang ito pa lamang ay nagpapabulaan sa alegasyon na hindi umiiral ang 1951 Decree,” ayon sa CA. Dagdag pa ng hukuman, binalewala ng RTC ang ebidensiyang ito—isang paglabag sa karapatang konstitusyonal sa due process ng petisyoner.
Binigyang-diin ng CA na bagama’t may bahaging relihiyoso ang usapin, ang kanilang pasya ay mahigpit na nakabatay sa batas, partikular sa kung umiiral ang mga elemento ng perjury. Dahil umiiral ang 1951 Decree, walang pananagutang kriminal si Cabading sa paggiit nito sa ilalim ng panunumpa.
“Walang dahilan upang pagdusahan pa ng petisyoner ang hirap ng paglilitis batay sa hindi sapat na sakdal,” saad ng CA sa pag-uutos ng tuluyang pagbasura ng kaso.
(JULIET PACOT)
3
