HINDI na pinagtagal ng korte ang pagdinig sa kasong double murder na isinampa laban sa isang pulis-Parañaque na walang awang pumaslang sa mag-inang nakaalitan sa Paniqui, Tarlac nitong nakaraang Disyembre.
Reclusion Perpetua o habambuhay na pagkakakulong ang hatol ni Judge Stella Marie Gandia-Asuncion ng Paniqui Regional Trial Court Branch 106 sa tinaguriang killer cop na si Jonel Nuezca makaraang mapatunayan “beyond reasonable doubt” ang salang pagpatay nito kay Sonia Gregorio at anak nitong si Frank.
Base hatol ng korte, maximum penalty o katumbas na 30-40 taong pagkakakulong ang iginawad ng husgado sa dating police staff sergeant, bukod pa sa P952,560 multa at danyos sa mga naulilang biktima.
“The attack was so swift and sudden that the victims were not able to defend themselves. The shots fired were made in quick succession,” ayon sa desisyon ng korte.
Naging kontrobersyal ang nasabing pamamaslang makaraang mag-viral sa social media ang video footage ng aktuwal na pamamaril ni Nuezca sa mag-inang Gregorio. Sa nasabing video na bahagi rin ng mga ebidensiyang pinagbasehan ng korte, magkasunod na pinutukan ni Nuezca ang mag-ina dahil sa ingay na dulot ng mga “boga” na karaniwang ginagamit bilang pampaingay sa pagsalubong ng bagong taon.
Lumalabas din sa pagdinig ang motibo ni Nuezca na dati nang nakaalitan ng mga Gregorio hinggil sa right-of-way at bentahan ng lupa.
Agad namang ipinag-utos ni Philippine National Police Chief Guillermo Eleazar ang tuluyang pagsibak kay Nuezca sa serbisyo.
Kaugnay nito, nagpaabot ng mensahe si Eleazar sa naulilang pamilya.
“Nauunawaan namin ang pakiramdam ng pamilya Gregorio na ang parusang iginawad ng hukuman sa kanya ay hindi sapat sa bayolenteng pagkawala ng buhay ng kanilang dalawang kaanak. Ngunit naipakita dito na umiiral ang hustisya sa ating bansa at kailanman ay hindi kinukunsinti ng inyong Philippine National Police ang mga ganitong uri ng pulis. On behalf of the men and women of the Philippine National Police, muli akong nakikiramay sa Pamilya Gregorio at Pamilya Valdez,” ani Gen. Eleazar. (JESSE KABEL)
270 