NAGBABALA si Manila Police District (MPD) Director P/Brig. General Rolly Miranda sa mga motorista laban sa “Katok Salisi gang” na bigla na lamang nanghahablot ng mga gamit sa loob ng sasakyan.
Kasabay nito ang direktiba ni Miranda sa kanyang mga tauhan na tugisin ang mga miyembro ng gang matapos mabiktima ang motoristang si Venus Baldisimo, 42, residente ng Tondo.
Natangay sa biktima ang tinatayang P300,000 gamit at cash noong Hulyo 6, dakong alas-10:45 ng umaga sa panulukan ng A. Soriano Avenue at Solana St., Intramuros, Maynila.
Salaysay ng biktima, ang grupo ay may apat hanggang limang miyembro na magkakasama sa isang sasakyan.
Isa sa kanila ang kakatok sa passenger window at sasabihan ang diver na naiwan niya sa tail gate ang susi.
Sa sandaling puntahan ng solong motorista ang tail gate ay saka naman sasalisi ang dalawa sa mga suspek upang tangayin ang bag o anomang mahalagang gamit sa sasakyan, habang ang dalawang lookout ang pagpapasahan ng nakulimbat bago magsisitakas sakay ng isang van.
Nakita rin sa kuha ng CCTV ng pulisya na tumakas ang mga suspek sakay ng puting Mitsubishi Adventure.
May iba pa umanong nabiktima ng katulad na modus operandi ang grupo. (RENE CRISOSTOMO)
284
