Kaya malakas ang loob pumatay NUEZCA MAY PADRINO?

(NOEL ABUEL)

NANINIWALA si Senador Imee Marcos na posibleng may mga ‘padrino’ o protektor sa loob at labas ng serbisyo ang police sergeant na namaril at nakapatay sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.

Sinabi ni Marcos na hindi rin malayong regular na ‘hitman’ ang suspek na si Staff Sergeant Jonel Montales Nuezca kung kaya’t madali para rito ang basta na lamang bumaril.

“Sino ang mga padrino nito? Malinaw na sanay na sanay mamaril at manakit ang pulis ng mga tao na parang target practice lang, gamit ang kanyang service firearm,” tanong ni Marcos.

Giit ng senador, lumitaw sa police record ni Nuezca ang pagkakasangkot nito noong nakaraang taon sa dalawang homicide case na nabasura lang.

Nasuspinde rin ito sa pagtangging sumailalim sa drug test noong 2014 at nasampahan ng grave misconduct noong 2013 at serious neglect of duty noong 2016 sa kabiguang maging testigo ng prosekusyon sa isang kaso ng droga, ngunit nabasura ang dalawang kasong ito.

“Otomatikong dapat isamang imbestigahan ang kanyang mga pinuno ayon na rin sa Republic Act 8551,” ayon kay Marcos, na tumukoy na layunin ng batas na ireporma at balasahin ang Philippine National Police (PNP).

“Kailangang amyendahan at bigyang ngipin ang Republic Act 8551. Malinaw na may mga butas o pagkukulang sa pyschological at drug tests ng mga tauhan ng pulisya, at sa periodic na pagrepaso o rebyu sa kanilang mga pag-uugali,” paliwanag ni Marcos.

Giit ni Marcos ang malakas na ‘padrino at frat system’ ay tinatalo lang ang pagsisikap ng PNP mula pa noong 2018 na iwasan ang mga impluwensya o mga pinapaboran sa recruitment ng pulis sa pamamagitan ng RONMEDDS (Robust, Neuro-Psychiatric, Medical and Dental System) program.

Pinaalala nito na inilagay ang RONMEDDS program na nagbibigay ng bar codes sa pagproseso ng mga regional health services para matigil ang pagbili sa resulta nito ng mga political sponsor at mga kaklase ng police recruits at personnel.

 

PAANO NAKALUSOT?

Kaugnay nito, pinaiimbestigahan ng isang mambabatas sa Kamara kung paano nakalusot si Nuezca sa kanyang mga kaso sa loob ng 10 taon kasama na ang dalawang homicide case.

Pahayag ito ni ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran matapos aminin ng Philippine National Police (PNP) na 6 na kaso ang naisampa kay Nuezca na pawang nalusutan nito.

“Ang dismissal ng kaso ng isang police officer ay hindi kailangan agarang ibalik sa serbisyo lalo na kung ang kaso ay may kinalaman sa grave misconduct. Pag-aralan ang kanilang mga record bago pabalikin sa puwersa. Dapat ay regular din silang sumasailalim sa psychiatric evaluation,” ani Taduran. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)

142

Related posts

Leave a Comment