DPA ni BERNARD TAGUINOD
MARAMI ang nagtataka kung bakit iniiwan ng isang congressman ang partidong naging behikulo niya sa pagtakbo kapag nanalo na siya… pork barrel as in infrastructure projects ang dahilan.
Noong panahon ni dating House Speaker Martin Romualdez, maya’t maya ay may pinanunumpa na bagong miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats (LAKAS-CMD) mula sa ibang partido.
Bago bumaba si Martin bilang speaker dahil sa umiinit na isyu sa anomalya sa flood control projects, ay umakyat sa 111 congressmen ang miyembro ng Lakas-CMD na kanyang pinamumunuan.
Sapat na ang bilang na ito para makapag-impeach ng impeachable officials kaya ang akala ng marami noon ay nagre-recruit ang Lakas-CMD para proteksyunan sa impeachment case si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pero hindi ito ang pangunahing dahilan kundi nais ng mga congressman na makasiguro na makapag-uuwi sila ng mas maraming proyekto na magagawa lamang nila kung sasanib sila sa partidong naghahari sa Kongreso.
May mga report na mas malaki ang parte ng Lakas-CMD congressmen sa pondo sa imprastraktura kumpara sa ibang partido tulad ng Nacionalista Party, Nationalist People’s Coalition, National Unity Party at iba pa, mula nang pamunuan ni Martin ang Kongreso mula noong 2022.
Malamang nagkukumparahan ang mga congressman sa kanilang parte sa imprastraktura at ‘yung mga hindi kontento sa kanilang parte na mula sa ibang partido, ay naiinggit kaya lumipat sa Lakas-CMD.
Kaya riyan pa lang ay makikita na walang sariling bait ang maraming miyembro ng Kamara at handa nilang talikuran ang partidong tumulong sa kanila para manalo, kapalit ng mas malaking proyekto.
Huwag nilang sabihin sa atin na kapakanan ng kanilang mga constituent ang dahilan ng pagbalimbing nila dahil alam naman ng lahat na halos karamihan sa kanila ay may alagang kontratista kung hindi man sila ang kontratista mismo.
Open secret na sa lahat na may komisyon sila sa bawat proyekto, kaya mas maraming proyekto mas malaking komisyon ang matatanggap nila. Kung walang komisyon mas tatagal at hindi substandard ang proyekto pero karamihan sa kanilang proyektong nilalagyan nila ng pangalan nila, ay hindi nagtatagal.
Ngayong wala na sa poder ang Lakas-CMD sa Kamara at ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na ang naghahari, ‘yung mga bumalimbing ay lilipat na ba ulit ng barko para hindi mabawasan ang kanilang parte sa pondo?
Sabagay, noon pa ‘yan nangyayari. Noong panahon ni Duterte, ang PDP-Laban ang naghahari at mas maraming miyembro. Noong panahon ni PNoy ay Liberal Party (LP) naman ang siga sa Kamara, kaya siguro dapat bumalik na tayo sa two-party system.
