SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA
KUNG batid lang ni Filipino-American diver Victoria Manalo Draves na puwede niyang katawanin ang Pilipinas sa 1948 Olympic Games sa London noong Hulyo 29-Agosto 14, noon pa sana ay may gintong medalya na ang ating bansa sa tinaguriang “The Greatest Sports Show On Earth.”
Si Vicki, anak ng isang chef at musician na si Teofilo Manalo at British maid Gertrude Taylor, bago naging miyembro ng Olympic US swimming team ay dumanas ng katakot-takot na hirap dahil sa diskriminasyon sa Amerika laban sa mga dayuhang ang kulay ng balat ay hindi kasimbusilak ng mga katutubong Amerikano. Pero dahil sa husay niyang sumisid ay napasama siya sa Team USA sa Olympics at nakabingwit ng dalawang gintong medalya sa platform at springboard diving, 12 taon matapos makansela ang quadrennial meet simula noong 1936 edition sa Berlin bunsod ng World War II.
Si Vicki rin ang kauna-unahang Amerikana at Asian-American diver na nagwagi ng kambal na gintong medalya sa Olympics. At parang pinagtiyap ng panahon, isang Pilipina rin sa katauhan ng weightlifter na si Hidilyn Diaz ang kauna-unahang nakapag-uwi sa Pilipinas ng gintong medalya buhat sa Olympics.
Si equestrienne Mikee Cojuangco-Jaworski naman ang kauna-unahang Pilipina na nahalal bilang miyembro ng makapangyarihang Executive Board ng International Olympic Committee. Habang sina golfers Yuka Saso at Bianca Pagdanganan, skateboarder Margie Didal at Diaz ang apat na kababaihang tanging nakapagbulsa ng gintong medalya mula sa 2018 Asian Games sa Jakarta.
Samantala, may ilan pang Fil-Am swimmers ang nanalo ng Olympic golds at ang pinakahuli ay si Natalie Coughlin, humakot ng limang medalya – 2 ginto, 2 pilak at 1 tanso sa 2004 Athens. Ang tubong Vallejo, Northern California na si Natalie ay opisyal na pinarangalan bilang “Swimmer of the Year” dala na rin ng 12 niyang tagumpay sa US NCAA swimming meets. Sa kabilang banda, si Manalo ay hindi man lamang naisipang imbitahan noon ng Philippine Amateur Swimming Association (PASA) matapos ang London Games, o sinubukang kumbinsihin na katawanin ang Pilipinas sa international tournaments.
Ilang linggo lamang ang nakararaan, ang two-time Olympian at Fil-Canadian na si Kayla Sanchez ay nagpahayag ng kanyang pagnanais na dalhin ang bandila ng Pilipinas sa lahat ng mga international meet. Ito’y matapos siyang makakuha ng permiso mula sa Swimming Canada na mamili kung alin bansa ang irerepresenta niya sa XXXIII Games sa Paris, na eksaktong ika-100 taon ng partisipasyon ng ating bansa sa Olimpiyada.
Si Kayla, miyembro ng Canadian Senior National Team mula 2017 ay ipinanganak sa Singapore ng kanyang mga magulang na parehong Pilipino bago nag-migrate sa Canada. Ang kanyang pamilya ang siya aniyang dahilan kaya’t nagpasya siyang bitbitin ang bandila ng Pilipinas sa international competitions. “I’ve always been really proud of my Filipino heritage.”
Sa interview sa kanya ng Swimming Canada, inisa-isa ng 21-anyos na dalaga ang iba pang kadahilanan sa kanyang naging desisyon. “Aside from how much I’ve grown and how good everything has been in Canada, I needed to make this really difficult decision for myself and my family to take this opportunity to represent the Philippines. I want to help inspire people that are like me to swim and get into the sport.”
At matapos ang World Championships noong Hunyo 25, tuluyang ‘pinalaya’ si Kayla ng Swimming Canada. Magandang balita ito para sa mga Pilipino lalo’t una at huling nakapag-uwi ng Olympics medal ang isang Pinoy swimmer ay noon pang 1932 Los Angeles edition, nang mag-bronze si Teofilo Yldefonso sa 200 meter breaststroke. Pumangatlo rin siya noong 1928 sa Amsterdam, noong unang sumali sa naturang event.
Si Kayla, lumaki sa Scarborough, Ontario ay naging miyembro ng Swimming Canada High Performance Centre makaraan ang 2016 Olympics sa Rio. Nakapag-uwi siya ng silver medal mula sa Junior Pan Pacific Championships sa nasabing taon at tatlong beses napasama sa World Championships. Mayroon din siyang dalawang Olympics medal sa relay sa 2020 Tokyo Games at anim sa Worlds.
“I am so thankful and appreciative of Canada. I wouldn’t be the athlete I am today without the support and how much I grew and learned. It’s just a point in my life where it’s time for a change. I am stepping into a new point in my swim career where I can start to focus on myself and at the same time I’m hoping to help people in the Philippines,” giit ng dalaga.
Ayon sa FINA Rules, si Sanchez ay hindi pa makalalangoy para sa Pilipinas isang taon makaraang siya’y pakawalan ng Swimming Canada. Ngunit makalalahok na siya sa World Championships sa Fukuoka, Japan sa Hulyo 14-30, 2023.
