PATULOY na ang pagtaas ng bilang ng mga sundalong gustong magpabakuna laban sa COVID-19.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang mga dating umaayaw na magpabakuna gamit ang Sinovac, ngayon ay gusto nang mabakunahan dahil na rin sa takot sa tumataas na bilang ngayon ng mga kaso ng COVID-19.
Kumbinsido si Lorenzana na sa susunod na ilang araw pa ay wala nang tututol mabakunahan sila ng Sinovac.
Magkagayunman, hindi aniya nila pinagbabawalan ang mga sundalo at ilan pang mga personnel na pumili ng gusto nilang brand ng bakuna.
Sa kasalukuyan, ayon sa kalihim ay 30 libong doses ng Sinovac ang naitalaga nila sa Veterans Memorial Medical Center, V Luna Hospital at para sa mga personnel ng Office of Civil Defense.
Tinatayang may 70 libong doses naman ang naibigay na nila sa Armed Forces of the Philippines.
Mula kahapon, sinabi ni Lorenzana na nasa 9,043 na ang nabakunahan nila at 25 libong iba pa ang nakalinyang bakunahan.
Target aniya nilang maubos ang Sinovac vaccines sa loob ng isang linggo, bagaman nariyan din ang AstraZeneca na pwedeng pagpilian ng mga sundalo at iba pa nilang personnel. (CHRISTIAN DALE)
236 